Una sa Balita

Altas spiker Cindy Imbo Softball ang hilig, volleyball ang kinabig

By
0 272

HINDI talaga volleyball ang unang sports na kinahiligan ng 23-anyos na open spiker ng University of Perpetual Help System Dalta Lady Altas na si Cindy Imbo kundi ang softball.

Sa panayam ng Abante Online kay Imbo, inamin nito na mas nauna siyang mag-laro ng softball kaysa sa volleyball noong nasa elementary siya at first year high school at dahil na rin sa pag-udyok ng kanyang mga kaibigan, nagsimula na siyang maglaro ng volleyball.

“Softball po talaga ako nu’ng elementary, hanggang first year high school tapos napagtripan lang ng mga friend ko kaya nakasali ako sa sports na volleyball,” sambit ni Imbo.

Nagsimula aniya siyang maglaro ng volleyball sa kanilang bakuran at gumagawa aniya sila ng court sa may damuhan nito at nakikipaglaro ito sa kanyang mga kaibigan at doon na nagsimulang mahalin ang sports na volleyball.

“Actually nagsimula ako maglaro sa bakuran namin noon kasi gumagawa kami ng court na nasa damuhan lang ganu’n tapos ayun du’n ako parang napamahal na ako sa volleyball,” kuwento ni Cindy.

Inamin din ni Cindy na bilang isang atleta, isa sa mga pangarap niya ang makapaglaro at maging bahagi ng Philippine women’s national volleyball team na maglalaro para sa bayan.

“Siyempre bilang isang player lahat naman gustong mangarap na maging part ng Philippine team kaya ‘yun talaga ang gusto kong marating kung papalarin,” dagdag nito.

Alam naman natin kung gaano karaming mga kabataan ang nahihilig ngayon sa sports na volleyball dahil na rin sa kasikatan ng ilang manlalaro mula dito kaya tinanong namin siya kung anong payo ang maibibigay niya sa mga nais pasukin ang sports na ito.

Para sa kanya, kailangan na mahalin lang nila ang sports na ito at maging handa sa mga maa­aring mangyari at higit sa lahat ay huwag kakalimutan ang magdasal at dapat lagi kang masaya sa lahat ng ginagawa mo.

“Ang maipapayo ko lang sa mga gustong pasukin ‘yung vball is to love this sport at maging ready lang sila sa bawat circumstances na haharapin nila and never forget to pray of course, kasi it’s a big blessing to have these skills that comes from God. And be happy lang sa mga ginagawa or bawat training,” pagtatapos nito.