Una sa Balita

Alora ‘di bibitiw sa Olympic dreams

By
Si Philippine bet Kirstie Elaine Alora (kaliwa) sa kanyang repechage bout laban kay Wiam Dislam ng Morocco sa +67kg category ng Rio Olympic­s taekwondo event. (AFP)
0 2

Luhaang umeksit si Kirstie Elaine Alora sa Carioca Arena 3 sa dalawang talo sa taekwondo women’s heavyweight +67-kilogram division Byernes ng umaga (gabi, Manila time) sa nakakadismaya’t masaklap na pagwawakas na kampanya ng Pilipinas sa 31st Summer Olympic Games sa Rio de Janeiro City, Brazil.

Pero giniit ng 26-anyos at tubong Biñan City na magsisilbing aral ang dalawa niyang kabiguan — 1-4 sa Round-of-16 laban kay Maria del Rosario Espinoza ng Mexico at 5-7 sa repechage kontra Wiam Dislam ng Morocco — para makabawi lalo’t tudla pa niya ang 32nd SOG sa 2020 sa Tokyo, Japan.

 “Another sad moment na second chance ko na pero still, parang pinagkait sa akin. Siguro kailangan ko pa na ‘wag itigil ‘yung journey ko sa pagta-taekwondo,” wika ni Alora.

“The Lord has plans for me to continue fighting. I’m happy with the results here but I was not fortunate enough. It’s God’s will. Maybe he wants me to win in the Asian Championships or the World Championships before I become an Olympi­c champion,” wakas niya.

Sa pagkabigo, sinara ng 13 atletang Pinoy na may sandamkdak na mga kasamang opisyal ng Philippine Olympic Committee, ang kampanya sa quadrennial sportsfest na may isang silver medal lang na kaloob ni Hidilyn Diaz mula sa weightlifting women’s 53-kg. para maging unang Pinay na nakakakopo ng medalya.