Una sa Balita

Almadro, Motolite dagdag lakas ng Ateneo Lady Eagles

By
0 323

BAGO ang head coach. Bago ang karamihan sa mga manlalaro. Ngunit hindi dapat manlumo ang mga masugid na tagasubaybay ng Ateneo Lady Eagles na patuloy ang preparasyon sa darating na 81st UAAP volleyball tournament.

Kilala ang Lady Eagles bilang ‘Barangay Ginebra’ ng UAAP dahil sa sangkaterbang fans at lalo pang lumakas ang atake ng koponan na patalsikin ang kampeon at karibal na De La Salle U Lady Spikers sa pagkakaroon ng isponsor na Motolite.

Ang No. 1 baterya ng automotive sa bansa – ang Motolite ay kasalukuyang sumusuporta sa Ateneo sa ginaganap na PVL Open Conference.

Bagama’t mga baguhan na lumalaban sa mga beteranang manlalaro ay pinatutuna­yan ng Ateneo-Motolite na sa ilalim ni coach Oliver Almadro ay may kakayahang itong maki­pagsabayan.

Arkitekto ang 42-anyos na si Almadro ng three-peat ng Ateneo Eagles bago hawakan ang Lady Eagles. Target ni Almadro, former player ng Letran at asst. coach ng matagumpay na si Ramil de Jesus ng De La Salle, na dalhin ang ‘rekado ng tagumpay’ buhat sa Eagles tungo sa Lady Eagles.

Sa ilalim ni Almadro, umusbong ang karera ni Marck Espejo na ngayo’y nasa Japan bilang import ng Oita Miyoshi Weisseadler. Nagpasalamat si ­Almadro sa suporta ng Motolite.

Magsasanay ang Lady Eagles sa Japan bago magtapos ang taon.

‘‘Nakapokus ako sa maliliit na detalye at nais kong maglaro nang may passion ang Lady Eagles,’’ ani Almadro.

Inaasahang dadalhin ng mga beteranang sina Bea de Leon, Maddie Madayag, Pauline Gaston, Kat Tolentino at Kim Gequillana ang atake ng Ateneo at ‘di rin matatawaran ang potensyal nina Danielle Theris C. Ravena, Deanna Wong, Va­nessa Gandler at Janel Maraguinot, ang naka­babatang utol ni Jho Maraguinot na pinag-iisipan pa kung gagamitin ang huling playing year sa Lady Eagles.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy