Una sa Balita

All good sa Kuwait

By
0 708

Pormal nang inalis ng Department of Labor and Employment ang deployment ban sa Kuwait ayon sa utos ni Pangulong Duterte. Unang inilatag ang ban matapos ang sunod-sunod na kaso ng pang-aabuso sa mga manggagawang Filipino sa naturang bansa, huli nga ang kaso ni Joanna Daniela Demafelis, ang OFW na nakitang patay sa loob ng isang freezer noong Pebrero.

Matagal nang pinupuna ng Migrant Wor­kers Organizations ang kalagayan ng mga domestic worker sa Gulf states. Ayon sa kanila, malaki ang kakulangan sa mga regulasyon at normal daw doon ang mahahabang oras ng trabaho, ang karapatan ng employer na kumpis­kahin ang passport ng empleyado, at pagkakait ng komunikasyon at mga cellphone. Ito ang puno’t dulo ng na­ging sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.

Daig pa ang lumusot sa butas ng karayom bago nagkaprogreso sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait. Umabot pa nga ito sa isang ‘di pagkakasundong diplomatiko bunga ng pag-‘rescue’ ng ating mga diplomat sa mga nangangailangan nating kababayan – dahilan sa pag-aresto sa apat na tauhan ng ating embahada, at pagpapatalsik sa ating ambassador.

Buti na lamang at hindi na lumala ang sitwasyon. Sa pagpapadala­ natin ng special envoy, si Abdullah Mama-o, naliwanagan ang mga kaganapan at nagdulot sa pagpapalaya ng ating mga diplomat at pagkakasundo para proteksiyunan ang karapatan at kalagayan ng ating mga OFW sa Kuwait.

Ayon sa memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan ng mga kinatawan ng parehong bansa, nagkakasundo ito na itaguyod ang ‘ethical recruitment policies, systems, and procedures’ para sa recruitment at employment ng mga domestic worker.

Tinitiyak ng MOU na bibigyan ng mga employer ng sapat na pagkain, maayos na tirahan at pananamit, maayos at makataong kalaga­yan ng pagtatrabaho, at pagpapatala sa health insurance system ng Kuwait ang kanilang mga empleyado – kasama na ang pagpapagamot; at pagpapauwi ng mga labi kung sakaling bawian ito ng buhay. Ipinagbabawal na ang pagkait ng mga ‘identity document’ tulad ng passport na ngayon ay dapat lagi nang hawak ng OFW.