Una sa Balita

Alisin ang sapola ng mga panabong

By
0 1,146

Ang manok ay parang tao, kailangan din nilang mag-ehersisyo upang hindi bumigat ang kanilang katawan at mapanatili ang kanilang kalusugan.

Minsan napapansin ng mga nag-aalaga ng manok na nagbabago ang kilos ng kanilang panabong, kung dati ay maliksi at mabilis kumilos ay biglang nababago, nagiging mabagal at hindi masyado makalipad.

Isa sa mga dahilan ay ang sapola.

Ito ang taba ng manok sa parteng puwitan, nagkakaroon sila ng sapola kapag hindi nasusunog ang protina na galing sa ipinapatuka ng nag-aalaga.

Kulang din sa exercise.

Para maiwasan ito ay dapat balanse ang nutrisyon, katamtaman lamang ang ratio ng grains at pellets ayon kay Carlito Villanueva, na matagal nang nagtitinda ng pagkain ng manok sa Novaliches.

Tatlong beses na na-seminar si Villanueva tungkol sa conditioning, breeding at tamang pag-aalaga hanggang sa laban.

“Sa mga natutunan ko sa seminar na mga napuntahan ko, isang paraan din para maiwasan ang sapola ay naaarawan din dapat ang mga manok,” sabi ni 39-year-old Villanueva. “At para madaling makita ang sapola ay dapat i-trim ang puwitan ng manok.”

Sabi ng ibang mga beteranong sabungero, huwag maglaban ng may sapola ang manok dahil pihadong lamang sa talo ito lalo na kung mabibilis pumihit ang kalaban.