Una sa Balita

Alice rumampa sa Boracay kahit may ban

By
0 2,539

Puwede na bang mamasyal sa Boracay kahit patuloy pa ang isinasagawang rehabilitasyon ng isla?

Sa ipinaskil kasi na larawan sa Instagram ay ibinida ng 49-anyos na model/actress na si Alice Dixson ang pamamasyal nito sa Boracay.

Idinahilan ni Dixson na kaarawan niya at kasama naman ang kasintahan na general manager ng isang hotel sa Boracay.

Sa Oktubre 26 pa bubuksan sa mga turista ang isla, batay sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na nakatutok sa rehabilitasyon ng Boracay.

Ayon naman kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, nakakalusot pa rin ang mga gustong mamas­yal sa Boracay dahil maluwag at wala pang detalyadong plano ang rehabilitasyon ng isla.

Nagpapatunay rin aniya ito na kapag sikat at malakas ay puwedeng makalusot kahit bawal.

“Sa totoo lang wala pa talagang general rehab plan ang Boracay kaya maluwag lang magpapasok sa gusto nilang pumasok doon,” komento ni Castro.

“Isa lang itong diskriminasyon kung sino malakas anything goes,” dagdag ng mambabatas.

Pero nilinaw kahapon ni LPGMA Party-list Rep. Arnel Ty, chairman ng House committee on natural resources na isa sa mga nanguna sa isinasagawang imbestigasyon at pag-iinspeksiyon sa lagay ng Boracay na hindi puwedeng basta-basta na lamang pumasok sa isla lalo na’t patuloy ang rehabilitasyon nito.

Kinakailangan aniyang humingi muna ng permiso sa Task Force Boracay na pinangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga hindi residente ng isla bago makapasok o makabisita dito.

“People that are not residents of Boracay should apply and seek the approval to visit the island through the task force headed by the DENR,” paglilinaw ng kongresista.