Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Alert Levels System susubukan

0 146

Noong Setyembre 16, sinimulan ang paggamit ng Alert Levels System sa National Capital Region (NCR) bilang bagong tugon sa COVID-19.

Mayroong limang alert levels – Alert Levels 1-5 — sa ilalim ng bagong paraan ng pag-uuri ng community quarantine. Ang NCR ay isinasailalim sa Alert Level 4 sa panahon ng pilot test na ito.

Sa ilalim ng Alert Level 4, magpapatupad ng ilang mga paghihigpit para sa mga establisimientong sarado at masikip pati na sa mga aktibidad na di maiiwasang magkaroon ng malapitang interaksyon ang mga tao.

Gayunpaman, para sa pilot test na ito, pinapayagan ng IATF ang serbisyong pangrelihiyon, pagbubukas ng dine-in restaurants, at establisimiento para sa personal care services, ngunit mga fully-vaccinated na indibidwal lamang ang maaaring papasukin. Naniniwala kami na ang limitasyon sa mga indoor activities ay ligtas para sa mga taong kumpleto na ang bakuna. Mahalaga ito sa unti-unting pagbubukas ng ilang sektor ng industriya na matagal nang hindi nakakapag-negosyo.

Magandang balita ito sa ating mga manggagawa at empleyado mula sa mga sektor ng paghahanda ng pagkain, personal care services, at sa sektor ng relihiyon. Sa ilalim ng Alert Level 4, pinapayagan ang tatlong sektor na ito na ipagpatuloy ang kanilang negosyo sa kondisyon na fully-vaccinated na ang lahat ng kanilang manggagawa.

Sa ilalim ng Alert level 4, ang al fresco dining ay papayagan ngunit limitado sa 30 porsyentong kapasidad lamang ng establisimiento, anuman ang vaccination status ng mga papasok. Samantala, ang dine-in restaurants ay limitado sa 10 porsyentong kapasidad nito at mga fully-vaccinated na indibidwal lamang ang pwedeng papasukin.

Ang parehong mga kundisyon na itinakda para sa mga establisimiento sa paghahanda ng pagkain ay ipapatupad din sa mga personal care services at serbisyong pangrelihiyon: 30 porsyento ng kapasidad ng mga establisimiento kung al-fresco, para mga bakunado at hindi bakunado at 10 porsyento ng kapasidad nito kung dine-in pero mga fully-vaccinated lamang ang pwedeng pumasok at kailangang fully-vaccinated din ang mga empleyado.

Natutuwa ako na muling makakapagbukas ang ilang mga negosyo kahit na sa ilalim ng Alert Level 4. Isinusulong ko mismo ang hakbang na ito dahil magkakaroon ulit ng oportunidad na magtrabaho at maghanapbuhay ang marami sa ating mga kababayan.

Ang aking paninindigan sa usaping pangkalusugan ay palaging naaayon sa aking personal na paniniwala at pilosopiya bago pa man ako pumasok sa Tanggapan ng Pangulo. Matagal ko nang ipinaglalaban ang kapakanan ng ordinaryong Pilipino at walang nagbago mula nang ako ay naging tagapagsalita ng Pangulo.

Ipagpapatuloy ko ang pagiging tinig ng mga marginalized at disadvantaged na Pilipino, magbago man ang opinyon ng publiko. Habang ang mga medical frontliner ay humihiling ng panahon para makapagpahinga, ang karamihan sa ating mga kababayan ay hindi makapagtrabaho at dumadanas ng kahirapan.

Ang pagbabago ng estratehiya pabor sa granular lockdown ay isang mahusay na tugon kontra sa COVID-19 dahil mabibigyan ng kalayaan ang mas maraming tao na lumabas ng bahay na siya namang magbibigay daan sa kanila na magtrabaho at kumita. Ang mga lugar na hindi sumasailalim sa granular lockdown ay magkakaroon lamang ng mga paghihigpit sa ilang mga aktibidad at industriya, ngunit papayagan ang higit pang mga negosyo at sektor na magbukas.

Umaasa ang gobyerno na sa pagpapatupad ng mga granular lockdown, mapipigilan ang pagkalat ng virus sa mga tahanan at komunidad at unti-unting makakabangon ang ating ekonomiya. Ingat buhay para sa hanapbuhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.