Una sa Balita

Alegasyon ni Acierto malaking hamon sa Palasyo — Macalintal

By
0 264

NAGTATAKA ang Otso Diretso candidate na si Atty. Romy Macalintal sa tila pagkikibit-balikat ng adminis­trasyon sa alegasyon na sangkot sa droga ang dalawang Chinese national na malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Tanong ni MacaRomy, isang beteranong abogado, bakit hirap na hirap ang administrasyon na bigyan ng kasagutan, o hanapin man lang, ang intelligence report na ipinasa ng dating police colonel na si Eduardo Acierto sa Malacañang, na nagsasaad ng koneksyon sa iligal na droga ng economic adviser ni Duterte na si Michael Yang at ng isa pang malapit sa kaniya na si Allan Lim.

Ayon kay MacaRomy, malayo ito sa bara-barang pagsasapubliko ng narcolist, sa kabila ng kulang-kulang na verification na inamin mismo ng mga ahensiyang namamahala nito.

“Ito’y isang malaking hamon sa Malacañang, sa present leadership. Bakit ‘yung narco list, ang dali-dali nilang inilalabas? Bakit ito ngayon, hindi tayo magkaroon ng proper investigation?” wika ni MacaRomy.

Diin niya, kung seryoso talaga ang Pangulo sa drug war ng kaniyang administrasyon, dapat ay agaran ding imbestigahan nito ang isiniwalat ni Acierto—at hindi pilit inaalis ang kredibilidad at pinagbabantaan ang buhay ng dating police official.

Kasama din ni MacaRomy sa Otso Diretso sina Senator Bam Aquino at Magdalo Congressman Gary Alejano; dating senador Mar Roxas; at ang mga bago ring sasabak sa politika: dating Solicitor General na si Pilo Hilbay, beteranong abogado na si Chel Diokno, at dating ARMM assemblywoman na si Samira Gutoc.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy