Una sa Balita

Alden, Maine ngayon, Guy & Pip noon: Mga magka-loveteam na #WalangForever

0 742

May katotohanan nga na ang loveteam, mapa-TV man o pelikula ay #WalangForever.

Naging totoo ito sa naging phenomenal loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza na AlDub na naging top loveteam na nagsimula sa Kalyeserye segment ng noontime show na Eat Bulaga.

Tatlong taon ding namayagpag ang AlDub loveteam at nakagawa sila ng dalawang pelikula (My Bebe Love, Imagine You & Me), isang teleserye (Destined To Be Yours) at sunod-sunod na pro­duct endorsements.

Pero dahil sa big­lang pag-amin ni Maine tungkol sa relasyon nila ng aktor na si Arjo Atayde kamakailan, iyon na ang sinasabi ng marami na katapusan na ng AlDub loveteam.

Hindi naman naiiba ang AlDub sa mga nagdaang loveteam sa local entertainment industry. Maraming big screen at TV team-ups ang inakala ng kanilang fans na magkakatuluyan sila pero nauuwi sa hiwalayan dahil nakatagpo sila ng ibang makakarelasyon.

Kaya balikan natin ang mga minahal, inidolo at inasam ng mara­ming loveteams na magkatuluyan pero ang ending ay nilalagyan ng hashtag na #WalangForever…

Nida Blanca & Nestor De Villa

Isa sa pinakasikat na tambalan ang Nida-Nestor noong ‘50s sa bakuran ng LVN Pictures. Dahil sa mataray at makulit na personality ni Nida ay bumagay siya sa pagi­ging refined at gentleman ways ni Nestor. Nagsama sila sa mga co­medy na pelikula at madalas silang sumasayaw sa mga pelikula tulad ng Waray-Waray, Turista, Handang Matodas, Anak ni Waray Vs. Anak Ni Biday at marami pa.

Kapwa nag-asawa ng hindi taga-showbiz sina Nida at Nestor. Pareho na rin silang pumanaw. Nauna si Nida noong 2001 at sumunod si Nestor noong 2004.

Gloria Romero & Luis Gonzales

Sa bakuran naman ng Sampaguita Pictures noong ‘50s sumikat ang tambalan nina Gloria at Luis. Dahil sa pareho silang mestizo’t mestiza, maganda ang combination nila sa mga pelikulang pinagsamahan nila tulad ng Ikaw Ang Aking Buhay, Iginuhit Ng Tadhana, Pagdating Ng Takipsilim, Pinagbuklod Ng Langit, Sa Libis Ng Nayon, Artista, Sabado Ng Gabi… Linggo Ng Umaga, For You Mama, Huwag Kang Sumingit at Sinisinta Kita.

Ikinasal si Gloria sa aktor na si Juancho Gutierrez na pumanaw na noong 2005. Si Luis naman, na pumanaw noong 2012, ay kinasal kay Vina Concepcion.

Nora Aunor & Tirso Cruz III

Isa sa pinakasikat na loveteam ng Dekada ‘60 ay ang tambalan nina Nora at Tirso o kilala bilang Guy & Pip. Ang magkaiba nilang hitsura na morena at mestizo ang lalong nagpasikat sa kanila sa masa noong mga panahon na iyon.

Simula noong magtambal sila, sunod-sunod ang blockbuster hits nila sa takilya tulad ng Young Love, Young Girl, D’Musical Teenage Idols, And God Smiled At Me, Fiesta Extravaganza, My Blue Hawaii, Winter Wonderland, Guy & Pip, Always In My Heart at iba pa.

Nagbalik-tambalan sila noong ‘80s with Till We Meet Again, Mga Kuwento Ni Lola Basyang, I Can’t Stop Loving You, Sana Mahalin Mo Ako, Inay at Bilangan Ang Bituin Sa Langit. Kinasal si Nora kay Christopher de Leon at si Tirso naman kay Lyn Enchausti.

Vilma Santos & Edgar Mortiz

Ang rival loveteam ng Guy & Pip noong ‘60s ay ang tambalang Vilma at Edgar na kilala as Vi & Bot. Naging mahigpit silang kalaban at kumita rin ng malaki sa takilya ang kanilang mga pinagsamahang pelikula tulad ng Young Love, Edgar Loves Vilma, Renee Rose, Sixteen, Ang Batang Bangketa, Kampanerang Kuba, Leron-Leron Sinta, Love Letters, Dama de Noche, The Sensations, Baby Vi, The Wonderful World of Music, Angelica at Eternally.

Kinasal si Vilma kina Edu Manzano at Ralph Recto. Si Edgar naman ay kinasal kay Millet Santos.

Maricel Soriano & William Martinez

Tinawag ang tambalan nina Maricel at William na Taray & Kulit noong pagtambalin sila sa Regal Films noong ‘80s. Naging instant box-office ang mga pinagsamahan nilang pelikula tulad ng Oh My Mama, Mother Dear, To Mama With Love, The Story of Three Loves, Galawgaw, Pabling, Anak Ni Waray Vs. Anak Ni Biday, Boys Town, Parang Kailan Lang, Summer Love, Teenage Marriage, I Love You… I Hate You, Daddy’s Little Darlings, Stupid Cupid, Mga Kuwento Ni Lola Basyang, When I Fall In Love, The Graduates, Inday Bote, Maria Went To Town at Kung Ayaw Mo… Huwag Mo.

Ikinasal at nahiwalay si William kay Yayo Aguila. Si Maricel ay kinasal at nahiwalay kay Edu Manzano. May anak naman siya kay Cesar Jalosjos.

Manilyn Reynes & Janno Gibbs

One of the hottest loveteams ng ‘80s sina Manilyn Reynes at Janno Gibbs na nagsimula ang chemistry nang mag-duet sila sa programang That’s Entertainment. Kinontrata sila ng Regal Films at lumabas sa mga pelikulang tulad ng Petrang Kabayo At Ang Pilyang Kuting, Feel Na Feel, Magic To Love, Mga Kuwento Ni Lola Basyang at iba pa. Nakatuluyan ni Janno si Bing Loyzaga samantalang si Aljon Jimenez naman ang pinakasalan ni Manilyn.

Sheryl Cruz & Romnick Sarmenta

Sa bakuran ng Seiko Films namayagpag noong ‘80s ang tambalan nina Sheryl at Romnick. Nagsimula rin ang lahat sa programang That’s Entertainment at sumunod na ang paggawa nila ng mga hit movies tulad ng Everlas­ting Love, Puso Sa Puso, Pardina at ang mga Duwende, at iba pa.

Nag-asawa ng isang non-showbiz guy si Sheryl pero hiwalay na sila. Si Romnick ay kinasal kay Harlene Bautista pero hiwalay na rin sila.

Judy Ann Santos & Wowie De Guzman

Isa sa top loveteams ng ‘90s ang tambalan nina Judy Ann Santos at Wowie de Guzman na nagsi­mula sa afternoon drama series na Mara Clara. Ginawa nila ang mga hit movies na Sana Naman, Kung Alam Mo Lang, Wow Multo, Mara Clara: The Movie, etc.

Ikinasal si Juday sa actor-TV host na si Ryan Agoncillo samantalang si Wowie ay sa non-showbiz girl pero biyudo na ito ngayon.

Angelu De Leon & Bobby Andrews

Sa bakuran ng Viva Films nabuo ang tambalang Angelu at Bobby at nagsimula ito sa ‘90s youth-oriented series na TGIS. Dahil sa magandang chemistry ng dalawa, sinugalan ang tambalan nila na nagbunga ng mga hit mo­vies. Paminsan-minsan ay nagsasama sina Angelu at Bobby sa mga teleserye.

Nabuwag ang loveteam nila nang mabuntis si Angelu ni Joko Diaz. Ikinasal naman siya kay Wowie Rivera. Si Bobby naman ay kinasal sa kanyang non-showbiz girlfriend na si Bien.

Jolina Magdangal & Marvin Agustin

Nagsimula ang tambalan nina Jolina at Marvin sa ‘90s teen series na Gimik at dahil sa magandang rapport nila sa isa’t isa, ginawa silang loveteam sa pelikulang F.L.A.M.E.S.: The Movie. Nasundan ito agad ng Kung Ayaw Mo Huwag Mo, Labs Kita Okey Ka Lang?, Hey Babe at Gimik: The Reunion.

Nakatuluyan ni Jolens si Mark Escueta at si Marvin ay single pa rin pero may anak itong kambal na lalake.

Bea Alonzo & John Lloyd Cruz

Hindi inaasahan na magiging hit ang tambalan nina Bea at John Lloyd na unang napanood sa teleserye na KayTagal Kang Hinintay noong 2002. Sinubukan sa big screen ang team-up nila via My First Romance and since then ay naging sough-after loveteam sila in the history of Philippine Cinema dahil sa sunod-sunod na malalaking hits.

Tinalikuran ni John Lloyd ang showbiz para sa mas simpleng buhay kasama si Ellen Adarna at ang anak nila. Si Bea ay kasalukuyang karelasyon ni Gerald Anderson.

RUEL MENDOZA

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy