Una sa Balita

Alden hari ng takilya, Asia’s Multimedia Star pa

0 533

Ni: Rose Garcia

Maituturing na isang napakagandang taon ang 2019 para sa Kapuso star na si Alden Richards. Sa taong ito siya nakagagawa ng marka bilang isang individual star. Nakalabas sa comfort zone.

Siyam na taon pa lang sa showbiz si Alden, pero sa loob ng panahong ito, hindi na biro ang mga na-accomplish niya bilang isang actor, recording artist at businessman.

Sa taong ito rin niya naabot ang pagiging Box-Office King at nakatatanggap ng parangal sa iba’t ibang award-giving bodies here and abroad.

Bilang isang businessman, ang nagawa niya sa taong ito ay maaaring mananatiling pangarap na lang kahit sa ibang sikat din na aktor — ang maging owner ng isang malaking fast food chain internationally, ang McDonalds, at magkaroon ng iba’t ibang chain ng sariling restaurant na Concha’s.

Mula sa pagiging Pambansang Bae, nakikilala na rin si Alden sa bago niyang titulo bilang Asia’s Multimedia Star.

Nang makausap nga namin si Alden, sinabi namin sa kanya na hindi karaniwan sa mga artista ang nangyayari sa kanya. Naging sobrang phenomenal na bilang AlDub na puwedeng isipin na ‘yun na ang pinaka-peak ng career niya, pero heto’t ibang tagumpay naman ang tinatamasa niya bilang Alden Richards.

“Three years after po dumating ‘to, parang talagang hindi nauubusan ng regalo si Lord. Hindi nauubusan ng surprise. Minsan, ‘yung panahong akala mo parang hanggang dito ka na lang, bigla na lang may bumulaga sa ‘yo.

“Grabe, hindi ko in-expect na magiging ganito ‘to.”

Halos mag-iisang bilyon na ang kinikita ng “Hello, Love, Goodbye” kaya naman walang duda na siya ang bagong Box-Office King ngayon. Sabi naman ni Alden, hindi raw mangyayari ang lahat kung hindi dahil sa parehong networks. Ang GMA at ang Star Cinema.

Itinanggi naman ni Alden na spoiled siya sa Kapuso network.

“Hindi naman po spoiled, pero ang maganda po kasi sa network, pinapakinggan nila ang boses ng mga artista. ‘Yun po ang pinakana-appreciate ko sa kanila, binibigyan po nila ‘ko ng chance na mag-input sa mga proyektong ginagawa ko po.

“Sa ganu’ng pamamaraan, mas nabibigyan po kami ng confidence.”

‘Utang na loob ko sa mga fan ang buhay ko’

Siguro nga ay pinaka-epektibo ang naging approach ni Alden sa mga fan. Bagama’t napakarami niyang tagahanga, hindi rin mawawala na halos galing din ang ilan sa mga basher niya sa mga ito.

Dedma, hindi na lang pinagtuunan ng pansin ni Alden sa loob din ng ilang taon ano mang masasakit na ibinabato sa kanya. At heto ngayon, hindi na lang mga dati niyang fan, pero kahit si Alden mismo, ramdam ang mga bago niyang tagahanga.

“Opo, sa sobrang kaligayahan ko po sa ‘Hello, Love, Goodbye’, bumalik po ako sa pagbabasa ng comments sa Twitter at sa Instagram.

“At doon ko po nakita na wow, ang sarap sa pakiramdam. I was not a fan before but after watching, sobrang laking bagay sa akin nu’n, parang vinalidate nila ang ginawa kong risk to do a project with Star Cinema and siyempre, with the help ng Star Cinema, sobra nila akong inalalayan. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ko magagawa ang mga nagawa ko.”

Masaya ba siya na ngayon, lamang na lamang ang mga positibong komento na nababasa niya?

“Ang sarap sa pakiramdam. At least ngayon, naki-credit ang ginagawa mo na mahal mo. Mahal na mahal ko talaga ang pag-arte. I’m really an actor by heart.

“Kumbaga, kaya ako nananatili sa industriya, gusto kong makapagkuwento ng magagandang istorya, gusto kong makagawa ng magagandang roles na magmamarka sa mga manonood.”

Ang mantra raw niya sa showbiz, kung wala ang mga fans, wala rin silang artista.

“Kung hindi po dahil sa mga fan, hindi po mabubuhay ang artista. So, sa kanila ko po ino-offer ang success na nangyayari sa akin. Lalo na po ang mga sumusuporta sa akin na nandiyan na noong mga panahong nagsisimula pa lang po ako.

“Na naniwala sa akin at binigay nila ang loyalty sa akin up to this point. Sa kanila po ako nagpapasalamat.”

Malakas ang kapit, pananampalataya sa Diyos

Ayon pa kay Alden, tingin daw niyang talaga, ang purpose niya in life is to give inspiration, lalo na sa pag-arte. Kaya gano’n na lang ito kasaya sa pagbabalik niya sa primetime series simula bukas ng gabi sa GMA-7, pagkatapos ng “Beautiful Justice” sa bago niyang serye, ang “The Gift.”

“I really like to believe that my purpose in life is to serve as an inspiration to people. With the things that I do, that I love which is acting. Being here, being a public figure is an opportunity for me to reach more people. Make their life easy with the projects that I make.

“Mapa-teleserye, mapa-anthology pa ‘yan, mapa-mall shows pa ‘yan or concert. I guess, my purpose in life is to make people happy and I’m really happy whenever I see a lot of people happy with the things that I do.”

Ang pananampalataya rin daw niya sa Diyos ang pinanghahawakan niya lang sa lahat ng nangyayari sa kanya.

“It keeps my sanity, ‘yung faith ko po is what keeps me grounded,” saad niya.

“At the end of the day, kapag wala na’ yung fame, wala na ‘yung pera, wala na’ yung hiyawan ng tao sa ‘yo, ‘yung pagmamahal ng Diyos sa ‘yo, hindi magbabago.

“Kaya ganu’n na lang po ako ka-faithtful, the more I get this recognition, the more I get this mga bonus sa mga ginagawa ko po, mas lalo ko pong hinahawakan ang kamay ng Diyos kasi, Siya po ang nagbabalik sa akin na, ‘opps, baka nakakalimutan mo na ikaw pa rin ang taong ‘to.’

“Nandoon po ang sanity ko, sa faith ko.”

Handa na sa totoong romansa

Hindi naman maitatanggi na dahil sa pagiging phenomenal ng love team na AlDub, halo-halo ang naging tagahanga nila. Merong naging sobrang posssesive at pinaniniwalaan na sila talaga ni Maine Mendoza sa totoong buhay.

May nagsasabi pa nga na kasal na sila ni Maine at kung ano-ano pa. Ito ay sa kabila ng pagiging “open” na halos ni Maine sa relasyon nito kay Arjo Atayde.

Hindi madaling makawala sa isang phenomenal love team na tulad nila. Pero napatunayan niya ito dahil sa tagumpay ng pelikula nila ni Kathryn.

Isa ba sa “gift” niya ang makawala sa love team nila?

“Blessing in a way po na binigyan po ako ng chance na mag-grow. Blessing din po ‘yun kasi masarap po ang pakiramdam na nakakagawa ka ng mga proyekto na nagiging proud ka sa sarili mo.

“So, masaya po ako sa mga nagiging desisyon ko ngayon.”

Ngayon, sinasabi niya na may oras na siya para harapin naman ang usaping puso.

“Ay, siguro po magkakapanahon na po tayo.”

Kung saka-sakali, mas gusto ba niya yung makilala niya ito sa blind date, ‘yung irereto sa kanya, o ‘yung makikilala niya lang nang kusa?

“Mas masarap ‘yung seamless, e. ‘Yung talagang hindi mo in-expect na meron pala.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy