Una sa Balita

Alcala kinasuhan sa bawang cartel

0 350

SINAMPAHAN ng kasong graft sa Sandiganbayan si dating Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala at 23 iba pa dahil sa umano’y pagmonopolyo sa supply ng bawang mula 2010 hanggang 2014.

Paglabag sa Section 3(e) of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kakaharapin ni Alcala at mga kasama nitong akusado kabilang si dating Bureau of Plant Industry director Clarito Barron, National Plant Quarantine Services Division (NPQSD) chief Luben Marasigan at kasalukuyang head nito na si Merle Palacpac.

Inakusahan si Alcala at iba pang kabilang sa kaso, ng pagpabor sa Vegetable Importers, Exporters, Vendors Association of the Philippines (PHILVIEVA), na pinamumunuan ni Lilia Cruz, isa rin sa mga akusado.

Ayon sa prosekusyon, mayroong 5,022 sa 8,810 import permit na inilabas sa mga nabanggit na taon, ang napunta sa VIEVA batay sa pag-apruba nina Alcala, Barron, Palacpac, at Marasigan sa kabila ng umiiral na suspension order.

Itinalaga rin ni Alcala noong 2013 si Cruz bilang chairperson ng National Garlic Action Team (NGAT), consultative body ng DA para sa produksiyon at polisiya sa bawang, kahit pa may kaugnayan ito sa VIEVA.

Dahil dito, ayon sa prosekusyon, mayroong access si Cruz sa mga impormasyon sa supply at produksiyon ng bawang, na nagdulot para madiktahan umano nito ang presyo ng bawang sa merkado.
Nagrekomenda naman ang Ombudsman ng P30,000 bilang piyansa sa bawat akusado.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy