Una sa Balita

Albayalde swak sa paglabag sa Dangerous Drugs Act — Gordon

0 357

NANINIWALA si Senador Richard Gordon na dapat kasu­han si dating Philippine National Police chief Oscar Albayal­de ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Law kaugnay ng maanomalyang drug operation sa Pampanga noong 2013.

“Dapat si Albayalde kasama doon sa [investigation sa] Dangerous Drugs. Ang lumalabas namimili na naman tayo,” pahayag ni Gordon sa panayam ng DzBB kahapon.

“Katulad dati si Albayalde, floating … ‘yung iba pinaimbestiga sa kanilang ginawa. Ang tagal-tagal bago ilabas ang imbestigasyon hanggang pumasok na ang Senado,” dagdag pa nito.

Nauna na rito, nakitaan ng mga Department of Justice (DOJ) prosecutor ng probable cause para kasuhan si Albayalde, na noo’y dating Pampanga police chief ng graft matapos lumabas sa imbestigasyon na hindi siya nagpatupad ng utos para parusahan ang mga pulis na sangkot sa kuwestiyonableng drug raid.

Muling inimbestigahan ng DOJ ang reklamo laban sa mga ‘ninja cops’ dahil sa pagkabigo na ideklara ang nakumpiskang shabu at hinayaang makalaya ang suspek kapalit ng P55 milyon at isang sport utility vehicle.

Ayon kay Gordon, dapat ikinunsidera ng DOJ ang finding ng Senate blue ribbon committee sa kaso ng mga ‘ninja cops’ sa kanilang ginawang imbestigasyon noong nagdaang taon.

“Kaya kami nag-iimbestiga, panay kami abogado, nahuhuli namin lahat, may nako-contempt, may lumalabas. Tignan nila,” sabi ni Gordon.

Naniniwala ito na naging magaan ang kaso laban kay Albayalde dahil may mga pulis na kasama sa reinvestigation ng naturang kaso.

“Palaging mababaw kapag nag-imbestiga ang kapwa pulis. Kaya ayoko nga niyan, gusto ko palakasin ang internal affairs. Dapat malalim,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More