Una sa Balita

Albayalde Nagbitiw

0 680

NAGBITIW na si Gene­ral Oscar Albayalde bilang chief ng Philippine National Police (PNP) matapos makaladkad ang kanyang pangalan sa 13 dati niyang tauhan na nasangkot sa recycling ng iligal na droga noong 2013.

Magreretiro na sana si Albayalde ngayong Nobyembre 8, 2019 pero pinili na lang magbitiw sa puwesto at sumailalim sa non-duty status sa PNP. Ipinadala ng heneral ang kanyang liham kay Pangulong Rodrigo Duterte at ina­prubahan naman ito.

“After careful thought and deliberation, I have come to the decision to relinquish my post as chief PNP effective today and go on non-duty status,” pahayag ni Albayalde sa harap ng mga pulis na dumalo sa flag raising ceremony sa Camp Crame.

“Since I am retiring compulsorily on November 8, 2019, this will pave the way for the appointment of my replacement should the President so desire,” dagdag pa niya.

Itinalaga naman bilang officer in charge (OIC) ng PNP si Lt. General Archie Gamboa, ang kasalukuyang number 2 man ng PNP at mistah ni Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) Class Sinagtala of 1986.

Dinaluhan ni Interior Secretary Eduardo Año ang simpleng turn-over ceremony kahapon sa Camp Crame.

Ayon kay Año, nagbitiw si Albayalde upang hindi na mada­may ang PNP at si Pa­ngulong Duterte sa ginagawang pag-imbestiga ng Senado sa heneral sa isyu ng ninja cops.

“Nahihirapan na rin siya sa kalagayan niya bilang chief PNP pagkatapos may mga ganitong allegation at tuloy-tuloy ‘yung Senate hearing, hindi na rin siya makapag-concentrate sa kanyang trabaho so sabi niya what is good for the organization and he wanted to spare the President and the organization from all these controversies so he opted and as a gentleman siya so iwanan na ‘yung puwesto niya,” paliwanag ni Año.

Bukod dito ay apek­tado rin umano si Alba­yalde sa panawagan na mag-resign na siya bilang hepe ng kapulisan.

Itinanggi naman ng Palasyo na pinilit nilang mag-resign si Alba­yalde.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na sariling desisyon ni Albayalde ang pagbibitiw nito at posibleng napuno na umano ito sa mga akusasyong wala namang katotohanan.

“He said that his family was suffering so he made that call,” ani ni Panelo.

Nanindigan naman ang mga senador na hindi pa rin lusot si Albayalde kahit nagbitiw na ito sa puwesto.

“His continued stay as PNP chief has become untenable. His resignation ahead of his mandatory retirement, however, will not in any way clear him from his liablity, both administratively or criminally, in connection with the Pampanga ninja cops issue,” pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa isang statement kahapon.

“Albayalde’s conti­nued defense, and his failure to condemn the acts, of Major Rodney Baloyo, and his men, in the face of the evidence indicated complicity to the criminal conduct of his men,” diin ni Drilon.

Si Drilon ang unang nanawagan ng agarang pagbibitiw ni Albayalde para maisalba sa kahihiyan ang PNP.

Sabi ng dating justice secretary at Senate President, nabigo diumano si Albayalde na ikondena ang iligal na gawin ng kanyang mga dating tauhan.
Binanggit naman ni Senador Risa Hontiveros na kahit nag-resign na si Albayalde, hindi pa tapos ang isyu ng ‘ninja cops’.

“Ang desisyon ni General Albayalde na magbitiw sa kanyang puwesto ay hindi na­ngangahulugan na tapos na ang isyu sa mga ‘ninja cops’ at iba pang tiwa­ling pulis na sangkot sa pagbebenta ng droga at katiwalian,”diin ni Hontiveros. (Edwin Balasa/Dindo Matining/Aileen Tali­ping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy