Una sa Balita

Albayalde nagbabala sa mga kadete ng PNPA

By
0 327

Binalaan ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Alba­yalde ang mga kadete ng Philippine National Police Office (PNPA) na huwag nang gumawa ng panibagong iskandalo na dahilan ng pagbaba ng moral ng institusyon.

Ang babala ni Albayalde ay kanyang inihayag sa kanyang pakikipagdiyalogo sa mga kadete sa PNPA sa Silang, Cavite kahapon.

Sinabi pa ng PNP chief na wala namang ibinigay na commitment sa kanya ang mga kadete, at hindi rin naman istriktong mababantayan ng PNP ang mga ito dahil nasa pamamahala ng Philippine Public Safety Colleges (PPSC) ang PNPA.

Magugunitang pumutok kamakailan ang kontrobersya sa PNPA kung saan inutusan umano ang dalawang junior cadet ng isang senior cadet na mag-oral sex sa kanyang harapan habang nanoonood ang dalawang iba pang senior cadet.

Ito’y kasunod lang ng naganap na insidente noong Marso ng taong ito kung saan pinagtulungan umano ng mga junior cadet na bugbugin ang ilan sa kanilang upperclassmen pagkatapos ng graduation ceremony.

Sinabi ni Albayalde na kung ganito ang mentalidad ng mga kadete na ba­lang araw ay magiging mga opisyal ng PNP, maipapasa din nila ang kultura ng karahasan sa kanilang mga tauhan.

Sa kanyang panig, sinabi naman ng bagong talagang PNPA Dir. Sr. Supt. Chiquito Malayo, na kinausap niya ng masinsinan ang mga kadete na estriktong tumupad sa ‘honor code’.