Una sa Balita

Albayalde kinampihan ng Napolcom sa ‘ninja cops’ scandal

0 698

HINDI masasampahan ng kahit anong kasong admi­nistratibo si resigned Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde dahil sa kontrobersyal na 2013 drug raid sa Pampanga, ayon sa National Police Commission (Napolcom).

Ito ang sinabi kahapon ni Rogelio Casurao, vice chairman at executive officer ng Napolcom.

“It’s hard to establish that he knew of the operation from the very start,” saad ni Casurao.

“We presented the facts that we were able to discover and submitted it to the Secretary of the DILG (Department of the Interior and Local Go­vernment) and then from there they were able to come up with that finding that there is no basis to charge Albayalde admi­nistratively,” dagdag pa nito.

Matatandaang inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng drug at graft charges kay Albayalde at mga tauhan nito dahil sa maanomalyang P648 milyong halaga ng shabu sa Pampanga drug raid.

Si Albayalde ang provincial director ng Pampanga nang maganap ang raid laban sa isang Chinese drug lord.

Samantala, sa rekomendasyon ng Napolcom ay sinampahan ng DILG ang mga sangkot na pulis na sina Maj. Rodney Baloyo IV; Capt. Joven de Guzman Jr.; M/Sergeants Jules Maniago; Do­nald Roque; Ronald Santos; Rommel Vital; Alcindor Tinio; Eligio Valeroso; S/Sergeants Dindo Dizon; Gilbert de Vera; Romeo Guerrero Jr.; Dante Dizon at Cpl. Anthony Lacsamana.

Mga kasong serious irregularity in the performance of duty, dishonesty at grave misconduct ang isinampa laban sa ‘ninja cops’, base sa report na isinagawa ng DILG-Napolcom na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 25 ng taong kasalukuyan. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More