Una sa Balita

Albayalde handang magbitiw

By
0 4

Handang magbitiw sa kanyang tungkulin si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde sa oras na mapatunayang protector at tumatanggap ito ng pera mula sa operasyon ng jueteng.

Ito ang tiniyak kahapon ni Albayalde kasunod ng akusasyon ng Happy Cool Games and Amusement Corp. na isang Small Town Lottery (STL) company, na kabilang ang NCRPO chief sa matataas na opisyal na sumusuporta sa illegal numbers game sa rehiyon.

Ayon kay Albayalde, ayaw niyang patulan ang naturang akusasyon, na luma na, walang basehan, at self-serving lamang.

Hinamon pa niya ang naturang STL company na patunayan ang alegasyon nito laban sa kanya at kung magagawa ito ay kusa, aniya, siyang bababa sa puwesto.

“Kung napatunayan nilang tumatanggap ako diyan (jueteng issue), I am ready to give up my position and career, kaya ayokong patulan,” aniya pa.

Duda pa nito, may hidden agenda ang naturang kompanya ng STL nang kaladkarin ang pangalan ng mga police officials sa jueteng operations.

“Napakadaling mag-akusa, these are all baseless at ito po ay self-­serving ‘yung mga ganyan. Sa susunod, hindi ako magtataka na si chief PNP na ang sasabihin nila and probably kung sinong mataas diyan. Kahit sinong tao pwedeng magkusa ng kahit ano. So ayoko pong i-glorify, i-dignify ‘yung sinasabi na ‘yon,” pahayag pa ng opisyal.

Nauna nang sumulat ang STL company sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa para imbestigahan ang pagkakasangkot ng ilang mga matataas na opisyal ng PNP sa ilegal na sugal na jueteng.

Sinabi ni Atty. Angie­ ­Leeca Sevilla, legal counsel ng Happy Cool Games and Amusement Corporation, isang autho­rized STL operator ng PCSO, na makailang beses na silang ni-raid ng NCRPO sa pamumuno ni NCRPO Chief Albayalde. ­