Una sa Balita

Albayalde fake news — Leni

0 708

BINATIKOS ni Vice President Leni Robredo ang Philippine National Police (PNP) dahil sa pagbigay diumano ng maling impormasyon tungkol sa crime index ng kanyang bayan, ang Naga City.

Ito’y kasunod ng ulat kung saan inihayag ni PNP Director General Oscar Albayalde na No. 5 ang Naga City sa buong bansa na may pinakamalaking bilang ng krimen.

Subalit lumabas na nagkamali lang ang PNP chief sa kanyang sinabi dahil lumitaw na sa Region V lang ang naturang record at hindi para sa buong bansa.

Si Robredo ay tubong Naga City na matatagpuan sa Camarines Sur, Region V.

“Totally unacceptable. Spare our people and our beloved city from misinformation,” pahayag ng Bise Presidente sa kanyang Twitter account.

“PNP Chief claims Naga consistently ranked 5th in crime volume all over the country. The truth: Murder-34th; Homicide-24th-26th; Rape-29th; Robbery-11th; Theft-6th,” dagdag pa nito sa sumunod na tweet.

Bukod sa Naga City, ang iba pang binanggit ni Albayalde na mataas ang crime index ay Santiago City sa Isabela (Region 2), Angeles City at Zambales (parehong Region 3) at Puerto Princesa sa Palawan (Region 4).

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘hotbed’ ng shabu ang Naga City.