Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Alay sa mga obrerong Pilipino

0 63

Ipinagdiwang ng sambayanan nitong Mayo 1 ang Araw ng Paggawa o Labor Day bilang pagpupugay sa lahat ng manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa bansa at sa ibayong dagat.

Nakiisa po tayo sa selebrasyong ito sa pamamagitan nang pagkikilala at pagbibigay parangal sa lahat ng mga manggagawa, lalo na sa mga masisipag na frontliners na patuloy na humaharap sa pagsubok ng COVID pandemic.

Tunay namang kapuri-puri at maipagmamalaki ang kontribusyon ng ating mga manggagawa sa pagbangon ng bansa at sa pagtugon sa epekto ng COVID-19 na patuloy na nananalanta sa bansa.

Sa kabila ng matinding hamon ng Covid-19 pandemic, lalong naipakita ng mga manggagawang Pinoy ang kanilang kasipagan, katatagan, determinasyon at diskarte sa panahon ng krisis kahit marami ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng ilang negosyo at industriya.

Pero higit na nangibabaw sa panahon ng pandemya ang kontribusyon ng mga Pinoy frontliners sa bansa at maging sa abroad, dahil sila ang humaharap sa panganib ng COVID-19 para magligtas ng buhay.

Ipinakita po ng ating frontliners ang dedikasyon sa trabaho, tapang at sakripisyo sa kabila ng peligrong maari nilang kaharapin laban sa COVID-19.

Kaya naman bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga Pilipinong manggagawa, ipinagpapatuloy po ng Duterte administration ang pagpapatupad ng mga programa at mga hakbang para maiangat ang kaayusan at proteksiyon ng mga ito.

Sa pamamagitan po ng National Employment Recovery Strategy (NERS) na inilunsad sa mismong Araw ng Paggawa ay titiyakin ng gobyerno na matutugunan ang mga hamon sa sektor paggawa mula sa epekto ng pandemya sa pamamagitan ng mga programang pakikinabangan ng lahat ng mga manggagawa.

Ang NERS ay pangangasiwaan ng isang task force para masigurong epektibong maipatupad ang mga programa para sa mga manggagawa.

Kapapalooban po ito ng mga polisiya para sa pagsusulong ng access sa employment, livelihood o pangkabuhayan at mga oportunidad sa labor market sa ilalim ng “new normal”, at pagtatatag ng mga bagong negosyo para sa dagdag na trabaho.

Related Posts

Damayan tayo

Kampi sa China?

‘Tubig is life’

Kasama po sa prayoridad ng NERS ang mungkahing subsidiya para sa mga manggagawa sa pribadong sektor; pagsuporta para sa mabilis na pagpasa sa mga polisiya at mga panukalang batas na lalong magpapatibay sa pagbangon ng ekonomiya at pagbangon ng mga nalugmok na negosyo dahil sa epekto ng COVID-19.

Pero para masigurong magtatagumpay ang mga programang ito, mahalaga ang suporta ng pribadong sektor na siyang may malaking porsiyento ng puwersa ng mga manggagawa.

Kaya naman po sang-ayon ako sa paghimok ni Senador Bong Go sa mga pribadong employer na bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa at maayos na working condition lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Kabilang na po dito ang sektor ng media na patuloy na nagtatrabaho at kumakalap ng balita sa gitna ng panganib sa COVID-19 upang maihatid ang mga mahahalagang impormasyon para sa kaligtasan ng sambayanan.

Kaya naman po nagpapasalamat tayo sa sektor ng media na maituturing na frontliners din dahil sa kabila ng banta ng mabagsik na virus ay patuloy na ginagawa ang trabaho para maihatid ang mahahalagang impormasyon sa publiko.

Magsilbi po sanang inspirasyon sa sambayanan ang ipinapakitang sakripisyo, determinasyon at katapangan ng lahat ng Filipino frontliners at suklian ang lahat ng kanilang pagsisikap sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols.

Nailarga na po ang vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19 kaya hinihiling po natin ang kooperasyon ng lahat para sa hinahangad na pagbangon bilang isang bansa.

Kasama po sa prayoridad ng vaccination rollout ang sektor ng manggagawa bilang essential sector sa ilalim ng A4 category dahil mahalaga ang kanilang papel at kontribusyon sa pang-araw araw na laban sa pandemya.

Kung may proteksiyon na ang mga manggagawa sa bakuna, maibabalik na ang sigla ng kabuhayan at ekonomiya at masisigurong hindi na magugutom ang maraming pamilya.

Kaya naman po hangad kong magpatuloy ang katatagan at maayos na kalusugan ng lahat ng Pilipinong manggagawa para sabay-sabay po nating harapin ang pagdating ng bagong umaga mula sa bangungot na dulot ng COVID pandemic.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.