Una sa Balita

Alaska ‘pagod’ na kay Abueva, itinapon sa Phoenix Fuel Masters

By
0 1,285

ANG dating bulung-bulungan lang, nagkatotoo na. Naghiwalay na ng landas ang Alaska at si Calvin Abueva nang magdesis­yon ang Aces na i-trade ang ‘The Beast’ sa Phoenix.

Kahapon ay pumutok ang balita hinggil sa trade, pinakawalan si Abueva kapalit ni Karl Dehesa at diumano’y 2019 first-round pick ng Fuel Masters.

“The Alaska Aces have decided to trade Calvin Abueva to Phoenix,” anang statement ng Aces. “We would like to thank Calvin for his six years of service with Alaska and the good memories. We felt as a franchise it was best for both Alaska and Calvin to have a fresh start at this time.”

Second pick overall ng Aces si Abueva noong 2012, sa likod ni June Mar Fajardo ng San Miguel. Na­ging Rookie of the Year ang Angeles City native noong 2012-13. 

Bago iyon ay gumawa na siya ng pangalan sa collegiate league nang maging MVP ng NCAA habang naglalaro sa San Sebastian.

Pagkatapos ng PBA All-Stars noong huling linggo ng Mayo ay hindi na nagpakita sa Aces si Abueva, idinahilan ang ‘family problems’ na kailangan niyang ayusin. Kalaunan, binigyan siya ng indefinite suspension ng Uytengsu franchise.

Pero itinuloy ang suweldo ng ‘The Beast’, pinayagan pa ng Alaska na maglaro sa Gilas Pilipinas kontra Chinese Taipei noong Hunyo 29, at kasama sa 10 player na nasuspende nang magkagulo sa home game kontra Australia sa FIBA World Cup Asian Qualifiers noong July 2.

Noong Pebrero sa Philippine Cup ay ilang laro ring nawala si Abueva sa parehong dahilan.

Sa anim na taon sa Aces, may isang kampeonato si Abueva, 30, mula sa 2013 Commissioner’s Cup.