Una sa Balita

Alas malaking kawalan sa NLEX

By
0 2,265

Laro ngayon (Smart Araneta Coliseum):
7 pm — Magnolia vs NLEX
(Magnolia leads series, 3-2)

SEGUNDO lang – 39 seconds – ang itinagal ni NLEX star Kevin Alas sa Game 5 ng PBA Philippine Cup semifinals series nila ng Magnolia Ang Pambansang Manok, Linggo ng gabi.

Posibleng buong season na siyang mawawala.

Mula roon hanggang final buzzer, nasa sidelines na lang sa Ynares Center sa Antipolo ang fourth-year guard na produkto ng Letran, nagtsi-cheer sa mga kakampi.

Inatake ni Alas ang depensa nina Paul Lee at Mark ­Barroca nang bumigay ang kanang tuhod – ramdam daw niyang nag-lock.

Hindi na siya nakabalik sa laro, pinanood nang matalo ang Road Warriors, 87-78, at naiwan sa series, 3-2.

Kahapon, nag-text si Alas matapos magpa-check up kay orthopedic surgeon Dr. George Canlas, ang tumingin din sa knee injury ni Marc Pingris ng Magnolia.

“Initial diagnosis of Doc Canlas ACL tear (8 months out). Have scheduled MRI test for further analysis,” aniya.
Sigurado, wala si Alas sa Game 6 ng best-of-seven mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Malaking kawalan si Alas sa rotation ni coach Yeng Guiao, pero inaasahang makikipagpukpukan pa rin ang Road Warriors na magpaparesponde kina Kiefer Ravena, JR Quiñahan, Larry Fonacier, Alex Mallari at Cyrus Baguio.

Naiiwan lang ang NLEX ng isa, 59-58, pagkatapos ng three, pero inumpisahan ng Magnolia ang fourth sa 16-4 run para lumayo, 75-62. Hindi na nakabalik ang Road Warriors mula roon.

Sumagasa ng 21 points si Ravena, 10 dito nang balikatin ang team sa fourth, pero hindi naihabol ang NLEX.