Una sa Balita

Alan nilaglag ng PNA sa ‘lutong kaldero’ award

0 418

MISTULANG nilaglag ng Philippine­ News Agency (PNA) si House Speaker­ at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee­ chair Alan Peter Cayetano sa kontrobersyal na award sa Phisgoc bilang ‘Best SEAG Organizer’.

Matapos tukuyin ng esquiremag.ph ang PNA sa pagkarga ng istorya hinggil sa kontrobersyal na award, napilitang maglabas ng statement ang state run agency.

Ayon sa PNA, nakabatay ang istor­ya nila noong Disyembre 4 sa press release ng Phisgoc.

“We would like to clarify that the story titled ‘Asian award body hails PHISGOC as ‘best SEAG organizer posted on our website on Dec. 4 was based on PHISGOC press release,” pahayag ng PNA sa Twitter.

Ang artikulo na may titulong “Asian award body hails PHISGOC as ‘best SEAG organizer’” na pinost noong Disyembre 4 ay tinanggal na sa website ng PNA, subalit ang press relase na pinagbasehan ay patuloy na makikita.

Ang PNA ay nasa ilalim ng Phili­ppine Information Agency (PIA) na ang dating Deputy Director General na si Gelo Villar ay dating nagtrabaho kay Cayetano noong senador pa lamang ito. Si Villar ay kinuha ni Senator Bong Go na kilalang kaibigan ni Cayetano. Ang PNA at PIA ay parehong hawak naman ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ni Secretary Martin Andanar.

Noong Miyerkoles ay kumalat ang balita na pinagkaloob ng Sports Industry Awards Asia (SPIA) sa Phisgoc ang award bilang ‘Best SEA Games organizer’ dahil sa matagumpay na pag-organisa ng 56 sports at 530 events, ang pinakamarami sa kasaysayan ng biennial meet.

Ngunit napuna ng mga netizen sa official website ng SPIA na isa ang Phisgoc sa supporter ng event kung saan binigay ang award. Tingin ng mga netizen ay tila binigay lang ng Phisgoc ang award sa kanilang sarili lalo pa’t wala namang ibang nominado.

Lumabas din sa esquiremag.ph na walang kategorya ang SPIA sa ‘Best SEAG Organizer’ at ang award na nakuha ni Cayetano ay maaaring pagkilala lamang sa pagsuporta sa sports.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More