Una sa Balita

Alan nganga: Chiz, Bongbong type ni Digong na kapalit

By , ,
0 1,857

SAMPAL kay Foreign ­Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na gusto niyang maging kapalit sa puwesto alinman kina da­ting Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Senador Francis ‘Chiz’ ­Escudero.

Ito’y dahil sa naging running mate ni Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections si Cayetano.

Imbes na ang natalong katambal sa nakaraang halalan ang bitbitin ng Pangulo, sina Marcos at Escudero pa ang naisipan ni Duterte na maging successor sakaling mag-resign ito sa puwesto.

Si Marcos ay pa­ngalawa, pangatlo naman si Cayetano at pang-apat si Escudero sa 2016 vice presidential elections na pinagwagian ni Leni Robredo.

Inalaska tuloy ni ­dating Akbayan Party-list Rep. Barry Gutierrez si Cayetano.

“Tatlong bagay lang ha. Una, 155,000 na pa­milya ang natulungan ni VP Leni, na walang anomalya, walang kurakot at habang walang puwesto sa Cabinet. Pangalawa, pasensiya na siya, pero TALO si BBM (Marcos) at Chiz noong eleksyon.

Pangatlo, hanggang dito ba naman nakalimutan pa rin si Alan?” pangungutya ni Gutierrez na siyang tagapagsalita ni Robredo.

Ayon naman sa political analyst na si Ramon Casiple, ang pahayag ng Pangulo ay lalo lang nagpagulo kung sino talaga ang gusto niyang maging kahalili sa puwesto.

“Last year sinabi niya si Leni Robredo ok sa kanyang pumalit. Keep them guessing, ‘ika nga,” ani Casiple.

Hindi naman sineryoso ni Escudero ang naging pahayag ni Duterte dahil imposible itong mangyari.

“Nakakataba ng puso ‘yung paniniwala ni Pa­ngulong Duterte, subalit siya na mismo ang nagsabi, wala namang legal na paraan para mangyari ‘yun. At naniniwala ako na nagpapahayag lang siya ng kanyang frustration,” sabi ni Escudero.

Sa pagharap ni Pa­ngulong Duterte sa mga miyembro ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) sa isang hapunan sa Malacañang noong Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo na mayroong constitutional succession subalit hindi aniya kaya ni VP Robredo na pangasiwaan ang bansa lalo na pagdating sa problema sa ISIS o Islamic State of Iraq and Syria.

Nauna rito, inihayag ni Pangulong Duterte na pagod na siya sa kahahabol sa mga tiwali sa gobyerno at hindi niya kayang linisin lahat ng ahensiya kahit hanggang matapos ang kanyang termino.