Una sa Balita

Alalayan ang mga mangingisda

0 355

Ngayon pa lamang ay umaaray na ang sektor ng pangisdaan sa ipatutupad na fishing ban sa galunggong.

Ang pagbabawal mang­huli ng galunggong ay epektibo sa loob ng tatlong buwan na sinimulan ngayong araw, Nobyembre 1.

Tatagal ang ban hanggang sa Enero 31 ayon sa nagpalabas ng kautusan, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ginagawa ang ban para maprotektahan ang galunggong species at maparami ang binhi nito hanggang lumaki at maaari nang mahuli sa pagsapit ng ikatlong buwan.

Sabi ng BFAR, muli itong ipinatupad dahil sa naobserbahang positibong epekto nito na unang sinimulan noong 2016 sa Palawan.

Pangunahing puma­lag sa hakbang na ito ay ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamama­lakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).

Naniniwala ang grupo na wala itong bentahe sa sinasabing preservation ng fish species dahil nagdudulot lamang ito ng pag-panic fishing ng mga commercial fishing vessel kaya marami silang nahuhuli.

Related Posts

Rekomendasyon ng grupo, ilimita ang ope­rasyon ng mga commercial fishing vessel sa municipal waters para hindi nila ubusin ang yamang dagat.

Ayon pa sa grupo, mula 20 kilo lamang ng galunggong ang pinakamaraming huli ng maliliit na mga ma­ngingisda, malayong-malayo sa tone-toneladang huli ng mga commercial fishing vessel.

Nauunawaan naman natin sa puntong ito ang mga mangingisda.

Bakit nga hindi pa­kinggan ang kanilang panig baka naman makatulong sila para manumbalik ang maa­yos na suplay ng ating galunggong na isa sa paboritong pagkain nating mga Pinoy.

Sa kabilang banda, dahil huli na ang suhestyong ito ng Pamalakaya, baka naman maaaring sa susunod na season ay ikunsidera ng BFAR ang kanilang kahilingan.

Alam nating may ayuda ang pamahalaan sa mga apektadong mangingisda dahil sa ibibigay na P15,000 na tulong pinansiyal pero mukhang hindi ito sapat para sa tatlong buwang pagpapahinga sa panghuhuli ng galunggong ng ating mga kababayang mangingisda partikular sa bahagi ng Palawan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More