Una sa Balita

Alakdan buhay pa, mga fan nagwala sa galit

By
0 1,448

Patay kang bata ka! Hindi pa pala patay ang mortal na kalaban ni Ricardo Dalisay na si Alakdan, si Homer Adlawan, na malaking­ anay sa lipunan sa daloy ng kuwento ng Ang Probinsiyano!

Nagbubunyi na sana ang buong bayan nu’ng nakaraang Miyerkules dahil bumagsak na dilat ang mga mata ni Alakdan, basag na bote lang pala ng beer ang kanyang katapat, pero nang sumunod na gabi ay buhay na naman ang walanghiyang tinik sa lalamunan ni Cardo Dalisay.

Napakarami naming tinanggap ng text messages, galit na galit ang mga kababayan natin sa pagkabuhay pa uli ni Alakdan, masamang damo raw talaga si Homer Adlawan kaya matagal pang mamamatay.

Ibang klase talaga ang utak ni Coco Martin, inuupuan niya ang istorya ng Ang Probinsiyano­ dahil siya ang tagapamuno sa creative team ng produksiyon, alam na alam ng magaling na aktor­ kung saan niya mahahawakan sa leeg ang manonood.

Punumpuno ng aksiyon ang serye, kung may nabubuhay ay marami ring namamatay, parang pelikula na nga ang takbo ng matagumpay na serye ng ABS-CBN.

Kantiyaw ng kaibigan naming propesor na tumututok sa halos lahat ng serye ng magkabilang network, “Naisip ko lang, paano mananalo ang Victor Magtanggol sa Ang Probinsiyano kung ganyan kalawak ang mga action scenes sa serye ni Coco?

“Sa totoo lang, mga lumang pelikula lang ni FPJ ang puwedeng kumabog sa palabas, wala nang iba, kaya suicide lang ang aabutin ng kahit anong seryeng tumapat sa kanila!

“Tama, ginto nga ang utak ni Coco Martin na part ng creative team nila. Hindi siya natutuyuan­ ng creative juices, kapang-kapa na niya ang kapritso ng Pinoy viewers, kaya uwian na, may nanalo na!” natatawa pang komento ni prop.