Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Usapang puso sa puso

By
0 11

Maligayang buwan ng mga puso sa ating lahat!

Marahil ay maraming may hang-over ngayon dahil alam naman natin na noong nakaraang araw (February 14) ay araw ng mga puso.

At siyempre, ngayong buwan ding ito idinaraos ang selebrasyon ng “National Health Insurance Month” kung kailan sinimulan ang prog­rama ng PhilHealth, ang National Health Insurance Program o NHIP.

Ngayong taon pong ito ay ipinagdiriwang ng PhilHealth ang ika-22 anibersaryo ng patuloy na pagbibigay serbisyong pangkalusugan sa lahat ng miyembro ng programa. Taos-puso kong binabati ang Team PhilHealth ng Happy Anniversary sa ating lahat!

Mabalik ulit tayo sa pagdiriwang ng Valentine’s Day. Siyempre hindi naman matatapos ang Valentine’s Day dahil araw-araw ay araw ng mga puso lalung-lalo na sa mga taong nagmamahal at may minamahal.

Papaano nga ba natin ipinagdiriwang ang Va­lentine’s Day?

Hindi mawawala ang pagbibigay ng regalo katulad ng bulaklak, tsokolate, stuffed toy at iba pa. Ang iba naman ay namamasyal sa parke at malls, nanonood ng sine at kumakain sa labas sa mga paborito nilang restaurants.

Sa aking palagay, mas maraming gustong ipagdiwang na lamang ang kanilang Va­lentine’s sa mga susunod na araw, imbes na sa mismong araw ng mga puso. Kaya ipinapayo ko po na gawing memorable at healthy ang inyong seleb­rasyon.

Nasabi kong ga­wing healthy ang ating selebrasyon dahil hindi mawawala ang pagkain sa mga restaurants lalo na sa mga buffet kung saan kahit anong putaheng gusto ninyong kainin, mapa-Filipino, American, Chinese, Japanese, Korean dishes at iba’t ibang inumin tulad ng fruit juices, tea at kape ay available din.

Kaya naman hinay-hinay din sa matatabang pagkain dahil hindi rin ito maganda sa ating kalusugan, partikular na sa ating puso.

Mas mainam at healthy kung kakain din tayo ng mga gulay, salad at prutas na makatutulong sa pagsunog ng mga tabang nakain.

Huwag ding kalimutang uminom ng maraming tubig at fruit juices na makatutulong upang mai-flush ang mga fats at toxins sa ating katawan.

Samantala, nais ko namang bigyan-daan at i-share sa inyo ang isang tanong na may kinalaman din sa puso. Ang liham ay mula pa sa Negros Occidental.

Dear Dr. Ish,

Ako po ay aktibong miyembro ng PhilHealth, 50 years old na, may asawa at tatlong anak. Madalas ako ay nakararanas ng high blood. Kung sakaling ako ay ma-ospital, magkano ang maaari kong makuhang benepisyo sa PhilHealth? — Mang Nestor Gala ng Negros Occidental
Dear Tatay Nestor,

Una sa lahat, mara­ming salamat po sa ­inyong liham.

Maganda po ang inyong katanungan at tiyak na marami sa ating mga kapwa-miyembro ay katulad din ninyong nais malaman ang benepisyong maaari nilang matanggap mula sa PhilHealth kung sakaling sila ay maospital.

Kadalasang walang nararanasang sintomas ang mga taong may hypertension o high blood pressure. Ngunit, madalas na naiuugnay ang high blood pressure sa mga sumusunod na sintomas: madalas na pagsakit ng ulo o batok, paglabo ng paningin, pagkahilo, pananakit ng dibdib, paghabol sa hininga, mabilis na pagtibok ng puso at pagdugo ng ilong.

Dahil dito, mahalaga ang regular na pagpapatingin sa doktor lalo na sa mga may family history ng hypertension. Pinapayuhan din ang lahat na umiwas sa mga gawaing nagiging sanhi ng high blood pressure. Kabilang sa mga ito ang pagkain ng maaalat, paninigarilyo, madalas at labis na pag-inom ng alak, at kawalan ng ehersisyo.

Nais ko pong ipaalam sa inyo na ang Essential Hypertension ay kabilang sa mga medical cases na binabayaran ng PhilHealth at ito ay may package rate na P9,000.

Ang buong pakete ay awtomatikong ibabawas na sa kabuuang hospital bill ninyo bago kayo lumabas ng ospital.

Kasama na rin sa package ang bayad sa professional fee ng doktor, laboratory fees at mga gamot na ginamit sa panahon ng confinement. Ito ay maaari ninyong i-avail sa alinmang accredited na pampubliko at pampribadong ospital sa bansa.

Tiyakin lamang po na regular ang pagbabayad ng ating premium contribution sa PhilHealth upang iwas-abala sa panahon ng pagkakasakit o pagpapaospital hindi lang nating mga miyembro kundi ganoon din ng ating mga mahal sa buhay na dependents natin kung sakaling sila naman ang magkasakit at maospital. (source: https://wordpress.com/2016/10/ 11/may-mga-sintomas-nga-ba- ang-high-blood-pressure/)

***

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8am-5pm); mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang No. 1!