Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Qualified dependents ng senior citizens

By
0 107

Una sa lahat, mara­ming salamat sa mga pa­tuloy na sumusuporta at nagpapadala ng kanilang mga mensahe, suhestiyon at mga katanungan gamit ang kanilang social media account tulad ng Facebook. Ang lahat ng ito ay buong puso naming tinatanggap at sinasagot sa abot ng aming makakaya. Ganoon din po ang ­aming pasasalamat sa mga patuloy na nagpapadala ng kanilang liham. Nais ko pong ibahagi sa inyo ang dalawang liham na sa tingin ko ay marami rin ang may katulad na sitwasyon. Ito po ang aming tugon para sa kaalaman ng lahat lalung-lalo na sa mga PhilHealth-senior citizen members.

Dear Dr. Ish,

Inihinto ko na po ang paghuhulog ko sa PhilHealth dahil ini-enrol na ako ng OSCA namin, paano po ‘yung dalawa kong anak na minor, covered pa rin ba sila ng PhilHealth as my dependents? — Ma­rilou ng Navotas City

Dear Nanay Marilou,

Bilang miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng Republic Act (RA) 10645 (Mandatory PhilHealth Coverage for All Senior Citizens), kayo po ay maaari pa ring magdeklara ng dependents kabilang ang inyo pong dalawang anak na menor de edad. Sila po ay mananatiling inyong dependent hangga’t sila ay hindi pa tumutuntong sa edad na 21. Siguraduhin po lamang na nakalista pa rin ang mga pangalan ng inyong mga anak sa inyong updated na Member Data Record (MDR) na ibinigay sa inyo ng inyong asosasyon noong kayo ay in-enrol sa ilalim ng nasabing RA. Kung sakali namang hindi sila napabilang sa listahan, maaari namang magsadya kayo sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth upang mai­dagdag sila sa inyong listahan ng qualified dependents.

Nais ko rin pong ipaalam sa inyo na hindi lamang po menor de edad na anak ang maaari ninyong ideklara bilang inyong qualified dependents. Maaari rin po ninyong isama ang mga sumusunod: 1) Legal na asawa na hindi PhilHealth member o hindi pa PhilHealth-senior citizen member; 2) Anak na 21-taong gulang pataas na may kapansanan; at 3) Anak-anakan o foster child, legitimated o ­adopted na anak na wala pa sa edad na 21-anyos.

***

Dear Dr. Ish,

Isa po akong senior citizen member ng PhilHealth. Kung sakaling ako ay nagkasakit at na-confine sa ospital, anu-ano bang mga dokumento ang dapat kong dalhin para magamit ko ang benepisyo ko sa PhilHealth? — Ana Rosa Pilar ng Sta. Ana, Manila

Dear Nanay Rosa,

Maraming salamat Nanay Rosa sa napakaganda ninyong katanungan.

Kung sakali pong kayo ay nagkasakit at naospital at kung ang inyong ospital na pinasukan ay may naka-install na HCI Portal, ipakita lamang ang inyong senior citizen ID, MDR o kahit anong dokumento na nagpapatunay ng inyong pagkaka­kilanlan at edad. Bibigyan din kayo ng ospital ng print out ng PhilHealth Benefit Eligibility Form (PBEF). Kung “YES” ang nakalagay sa PBEF, kayo ay maaaring magkamit ng benepisyo at ito ang magiging basehan upang awtomatikong maibabawas ang inyong benepisyo sa inyong hospital bill.

Kung sakali naman po na ang ospital na inyong pinasukan ay walang naka-install na HCI Portal o kaya nama’y “NO” ang sinabi sa PBEF, ang mga sumusunod na dokumento ay kailangang ilakip sa claim documents:

a) Pinunan na PhilHealth Member Registration Form (PMRF); at

b) Patunay ng katayuan bilang isang senior citizen, kabilang ang, ngunit hindi limitado sa, senior citizens ID.

***

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8am-5pm); mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang number 1!