Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Problemado sa kagat ng ASO? Sa PhilHealth…asikASO

By
0 116

Tuwing buwan ng Marso, ipinagdiriwang ang Rabies Awareness Month upang mapataas ang kaalaman ng mamamayang Filipino hinggil sa sakit na rabies. Ang Republic Act 9482, o mas kilala bilang Anti-Rabies Act of 2007 ay naglalayong mabawasan o tuluyang maalis ang kaso ng rabies sa bansa.

Kasunod nito ay naglabas ang Kagawaran ng Kalusugan ng AO 2007-0029 at 2009-0027. Nakapaloob dito ang mga alintuntunin hinggil sa tamang paggamot sa pasyenteng nakagat ng hayop na may rabies. Bilang pagsuporta sa National Rabies Prevention and Control Program ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH), ang PhilHealth ay naglabas ng Board Resolution 1585, s.2012 na naglalayong makapagkaloob ng Animal Bite Treatment (ABT) package para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Kaugnay nito, sasagutin natin ang katanungan ng isa sa ating mga miyembro tungkol sa Animal Bite Package. Narito ang kanyang katanungan:

Abante Hiring – IT dep

Dear Dr. Ish,

Ako ay nakagat ng aso noong Enero 18, 2017. Agad akong nagtungo sa infirmary sa aming lungsod kung saan may Animal Bite Treatment Center (ABTC) upang makapagpagamot. Agad naman nila akong inasikaso, at tinanong kung may dala akong Member Data Record (MDR) dahil ako ay isang PhilHealth member. Subali’t ako ang bumili ng mga gamot na inireseta ng doktor. Gusto ko sanang maintindihan ang benepisyong maaari kong makuha mula sa PhilHealth. Nais ko rin sanang humingi ng tulong kung papaano mare-reimburse ang mga nabili kong gamot. Marami pong salamat. — Francisco, Pangasinan

Dear Francisco,

Ramdam ng PhilHealth ang daing ng bawat miyembro higit lalo ang iyong sitwasyon. Hayaan mong makapagbigay ako ng impormasyon upang masolusyonan ang iyong problema tungkol sa kagat ng aso, at para na rin sa karagdagang kaalaman ng ibang mga miyembro natin na katulad mo ng kalagayan.

Ang Animal Bite Package ng PhilHealth ay ginawa para makapagbigay ng tulong pinansiyal sa mga Filipinong kinakailangang mabigyang-lunas dahil sa kagat ng hayop na may rabies.

Ang benepisyo ng PhilHealth para sa Animal Bite Treatment ay nagkakahalaga ng tatlong libong piso (P3,000) alinsunod sa PhilHealth Circular No. 2012-0015.

Kabilang sa paketeng ito ang mga serbisyo gaya ng bakuna laban sa rabies, rabies immunoglobulin, paglilinis ng sugat, bakuna para sa tetano, antibiotics kung kinakailangan, at mga gamit na kakailanganin sa paglilinis ng sugat. Kabilang na rin dito ang professional fee ng mga nagsagawa ng serbisyo.

Maaaring makamit ang paketeng ito sa mga ­accredited levels 1, 2, at 3 na pampublikong ospital o kaya naman sa mga pribadong Animal Bite Treatment Centers na lisensyado o sertipikado ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at accredited ng PhilHealth.

Ang Animal Bite Package ay para sa lahat ng mi­yembro at kwalipikadong dependents ng PhilHealth. Ang mga indigent, kasambahay, sponsored, lifetime, at senior citizen na miyembro na nagpagamot sa pampublikong ospital ay sakop ng No Balance Billing Policy (NBB) kung saan hindi na nila kinakailangang magdagdag ng bayad pa, higit sa benepisyong PhilHealth.

Ang mga miyembro naman ng PhilHealth na nagpagamot sa pampublikong ospital na hindi kwalipikado sa NBB ay magkakaroon ng co-payment o karagdagang bayarin, subalit hindi ito dapat lumagpas sa itinakdang halaga ng pakete ng PhilHealth.

Sa usaping reimbursement naman, ang ospital o Animal Bite Treatment Centers lamang ang maaaring makapag-file ng reimbursement sa PhilHealth upang masiguro na natanggap ng miyembro ang kanilang tamang benepisyo.

Sa iyong sitwasyon, Francisco, maaari mong ipasa ang mga resibo ng iyong mga binili sa ABTC at sila na lamang ang magfa-file ng claim sa PhilHealth upang ma-reimburse ang iyong mga gastusin. Ang ospital na ang siyang magre-reimburse sa iyo.

Sumasainyo,
Dr. Ish Pargas

***

Tamang kaalaman ang kailangan upang ang sakit na rabies ay maiwasan. Makiisa at makibahagi. Gawin nating rabies-free ang Pilipinas. Para sa suhestiyon o katanungan tungkol sa Animal Bite Package, tumawag lamang sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes-Biyernes, 8:00am-5:00 pm) o mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph. Sa PhilHealth, ang bawat buhay ay mahalaga. Anuman ang iyong estado sa buhay, garantisadong ramdam ang aming pag-aalaga.