Una sa Balita

Alaga ka ng PHILHEALTH: PhilHealth sa Migrant Workers: Panatilihing updated ang rekord at kontribusyon(Last Part)

By
0 7

Kasama rin sa benepisyong makukuha sa PhilHealth ang mga outpatient services tulad ng ­minor surgery, radiotherapy, hemo­dialysis, out-patient blood trans­fusion at iba pa. May Primary Care Benefit Package I (PCB I) din para sa mga OFW-members at mga ­dependents nito at ­kabilang sa pake­teng ito ang pagpapa­konsulta, diag­nostic, preventive at promotive na serbisyo na hindi na kinakaila­ngan pang magdagdag ng bayad, higit sa sagot ng PhilHealth.

Maaari ring makamit ng OFWs ang Z Benefit ­packages para sa mga malalang karamdaman tulad ng Acute Lymphocytic Leukemia (ALL), Breast Cancer, Prostate ­Cancer, ­Coronary Artery Bypass Graft Surgery, surgery para sa Tetra­logy of Fallot, surgery para sa Ventricular Septal Defect, ­Cervical Cancer, Z MORPH, Kidney Transplantation, Peritoneal Dialysis (PD) First at mga piling Orthopedic Implants.

Ang mga kuwalipikadong dependent ng aktibong OFW na miyembro ng PhilHealth ay may hiwalay na benepisyong aabot sa 45 araw ng confinement sa loob ng isang taon na kanilang paghahatian.

Maaaring ideklara bilang kuwalipikadong dependent ang legal na asawa na hindi pa miyembro o isa nang miyembro ngunit hindi aktibo sa PhilHealth; mga anak na may edad 20 taong gulang pababa, walang asawa at walang hanapbuhay; anak na edad 21 pataas ngunit may kapansanan at walang ­kakayahang makapagtrabaho; mga magulang na edad 60 pababa na hindi pa miyembro ng PhilHealth at may malubhang kapansanan.

Araw-araw may mga kababayan tayong handang kuma­yod at makipagsapalaran sa ibang bansa upang matupad ang kanilang pangarap na gumaan ang kanilang mga buhay at matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilyang maiiwan dito sa Pilipinas. Tibay ng loob, sipag at tiyaga — ito ang baun-baon ng mga kababayan natin bago sila umalis, isama na rin ­natin dito ang pagiging miyembro nila sa PhilHealth at ­siguradong tanggal ang pangamba at tuloy ang pag-arangkada sa buhay.

Bago po ako magtapos sa aking kolum sa araw na ito, nais kong paalalahanan ang ating mga OFW members na mag-ingat sa kumakalat na pekeng Official Receipts para sa pagba­bayad ng premium contributions sa PhilHealth. Umabot sa kaalaman ng PhilHealth na ang mga pekeng resibo ay ginagamit ng ibang recruitment agencies para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento. Tanging ang mga Regional at Local Health Insurance Offices (LHIOs) lamang ng PhilHealth ang awtorisadong mag-isyu ng mga official receipts.

Kaya tinatawagan po namin ang ating mga kababayan lalo na ang ating mga OFW members na agad makipag-ugnayan sa aming mga tanggapan at i-report ang mga ahensya o indibiduwal na gumagawa ng ganitong ilegal na gawain. Maaari rin po kayong tumawag sa aming Treasury Department sa numero bilang (02) 638-3082 o kaya sa aming Fact Finding Investigation and Enforcement Department sa (02) 637-6460.

Makiisa sa adhikain ng PhilHealth na masugpo ang mga gumagawa ng mga ilegal na gawain tulad nito. Dahil ayaw namin na may isang PhilHealth member na hindi maka-avail ng benepisyo dahil lamang sa pagsasamantala ng iilan.

Para sa suhestiyon o katanungan tungkol sa paksang tinalakay, tumawag lamang sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes-Biyernes, 8:00am-5:00 pm) o mag-e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph. o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Saludo ang PhilHealth sa mga bagong bayani ng ating bayan. Sa PhilHealth, ang bawat buhay ay mahalaga. Anuman ang iyong estado sa buhay, garantisadong ramdam ang aming pag-aalaga.