Una sa Balita

Alaga ka ng PHILHEALTH: PhilHealth sa Migrant Workers: Panatilihing updated ang rekord at kontribusyon(Last Part)

By
0 22

Huwebes na naman, at naritong muli ang inyong PhilHealth upang ipanawagan ang ilang mahahalagang impormasyon na dapat ninyong malaman bilang miyembro ng National Health Insurance program.

Muli, sa tulong ng Abante, ating ipinararating sa ating mga miyembro ang kahalagahan ng pagkakaroon ng updated na rekord at kontribusyon sa PhilHealth. Sa kolumn na ito, ating tutukan ang mga miyembro ng PhilHealth na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Para sa mga tinaguriang bagong bayani ng ating bansa, alam ba ninyo na maaari pa ring magamit ang inyong PhilHealth coverage kahit kayo ay ma-ospital sa ibang bansa?

Muli naming ipinapaalala sa mga overseas Filipino workers (OFWs) o Balik Manggagawa na ugaliing mag-update ng inyong membership rekord sa PhilHealth bago umalis ng bansa.

Makatutulong ang updated na rekord at tamang hulog ng kontribusyon upang matiyak na ang mga miyembro na migrant worker, kasama ang kwa­lipikadong dependents nito, ay makakukuha ng karampatang benepisyo sa PhilHealth sa panahon ng pangangailangan.

Paano nga ba mag-update ng rekord sa PhilHealth?

Bago umalis ng Pilipinas, maaaring pasyalan ang alinman sa aming mga tanggapan sa buong bansa upang matulu­ngan kayo ng aming mga front liners na i-update ang inyong rekord.

Ito ay kinakailangan kung ang OFW ay may papalitan sa kanyang naitalang impormasyon sa PhilHealth tulad ng pagdaragdag o pagbabawas ng dependents, pagpapalit ng tirahan, o kung may maling baybay sa mga pangunahing impormasyon.

Ang mga pagbabagong ito ay kinakailangang maitala sa PhilHealth Member Re­gistration Form (PMRF) na maaaring i-download sa www.philhealth.gov.ph.

Matapos mailagay sa PMRF ang mga de­talye, agad itong isumite sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth sa inyong lugar, o ‘di kaya’y ipadala sa ofp@philhealth.gov.ph

Ano naman ang kahalagahan ng updated na hulog?

Ang pagiging miyembro ng PhilHealth ay mandatory at ito ay nakasaad sa batas na lumikha sa NHIP kung kaya’t maging ang mga Filipinong nasa ibang bansa ay kailangang bahagi ng nasabing programa.

Ang pagbabayad ng kontribusyon ay kabilang sa mga responsibilidad ng isang miyembro ng PhilHealth upang mapanatiling aktibo ang inyong membership.

Ang taunang kontribusyon o prima na kailangang bayaran ng mga land-based OFWs ay P2,400.00 at kabilang na sa maaaring makinabang.

Related Posts

Kasama rin sa benepisyong makukuha sa PhilHealth ang mga outpatient services tulad ng minor surgery, radiotherapy, hemodialysis, out-patient blood transfusion at iba pa.

May Primary Care Benefit Package I (PCB I) din para sa mga OFW-members at mga dependents nito at kabilang sa paketeng ito ang pagpapakonsulta, diagnostic, preventive at promotive na serbisyo na hindi na kinakailangan pang magdagdag ng bayad, higit sa sagot ng PhilHealth.

Maaari ring makamit ng OFWs ang Z Benefit packages para sa mga malalang karamdaman tulad ng Acute Lymphocytic Leukemia (ALL), Breast Cancer, Prostate Cancer, Coronary Artery Bypass Graft Surgery, surgery para sa Tetralogy of Fallot, surgery para sa Ventricular Septal Defect, Cervical Cancer, Z MORPH, Kidney Transplantation, Peritoneal Dialysis (PD) First at mga piling Orthopedic Implants.

Ang mga kwalipikadong dependent ng aktibong OFW na miyembro ng PhilHealth ay may hiwalay na benepisyong aabot sa 45 araw ng confinement sa loob ng isang taon na kanilang paghahatian.

Maaaring ideklara bilang kwalipikadong dependent ang legal na asawa na hindi pa miyembro o isa nang miyembro ngunit hindi aktibo sa PhilHealth; mga anak na may edad 20 taong gulang pababa, walang asawa at walang hanap-buhay; anak na edad 21 pataas ngunit may kapansanan at walang kakayahang makapagtrabaho; mga magulang na edad 60 pababa na hindi pa miyembro ng PhilHealth at may malubhang kapansanan.

Araw-araw may mga kababayan tayong handang kumayod at makipagsapalaran sa ibang bansa upang matupad ang kanilang pangarap na gumaan ang kanilang mga buhay at matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilyang maiiwan dito sa Pilipinas.

Tibay ng loob, sipag at tiyaga – ito ang baun-baon ng mga kababayan natin bago sila umalis, isama na rin natin dito ang pagiging miyembro nila sa PhilHealth at siguradong tanggal ang pangamba at tuloy ang pag-arangkada sa buhay.

Bago po ako magtapos sa aking kolum sa araw na ito, nais kung paalalahanan ang ating mga OFW members na mag-ingat sa kumakalat na pekeng Official Receipts para sa pagbabayad ng premium contributions sa PhilHealth.

Umabot sa kaalaman ng PhilHealth na ang mga pekeng resibo ay ginagamit ng ibang recruitment agencies para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento

. Tanging ang mga Regional at Local Health Insurance Offices (LHIOs) lamang ng PhilHealth ang awtorisadong mag-isyu ng mga official receipts.

Kaya tinatawagan po namin ang ating mga kababayan lalo na ang ating mga OFW members na agad makipag-ugnayan sa aming mga tanggapan at i-report ang mga ahensya o indibiduwal na gumagawa ng ganitong ilegal na gawain.

Maaari rin po kayong tumawag sa aming Treasury Department sa numero bilang (02) 638-3082 o kaya sa aming Fact Finding Investigation and Enforcement Department sa (02) 637-6460.

Makiisa sa adhikain ng PhilHealth na masugpo ang mga gumagawa ng mga ilegal na gawain tulad nito. Dahil ayaw namin na may isang PhilHealth member na hindi maka-avail ng benepisyo dahil lamang sa pagsasamantala ng iilan.

Para sa suhestiyon o katanungan tungkol sa paksang tinalakay, tumawag lamang sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes-Biyernes, 8:00am-5:00 pm) o mag-e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph. o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Saludo ang PhilHealth sa mga bagong bayani ng ating bayan. Sa PhilHealth, ang bawat buhay ay mahalaga. Anuman ang iyong estado sa buhay, garantisadong ramdam ang aming pag-aalaga.