Una sa Balita

ALAGA KA NG PHILHEALTH: PhilHealth coverage para sa Peritoneal Dialysis

By
0 147

Alam ba ninyo na mahigit sa sampung porsi­yento (10%) ng populasyon ng buong mundo ay mayroong malubhang sakit sa bato o ang tinatawag na Chronic Kidney Disease (CKD)?

Karamihan naman sa mga Filipinong may end-stage renal disease (ESRD) ay may chronic renal failure rin kung kaya nangangaila­ngan ng kidney transplant, renal replacement therapy at tamang dialysis na siyang makatutulong ng malaki sa pasyente upang makaligtas ito sa naturang karamdaman.

Dahil sa layunin ng PhilHealth na makapagbigay ng financial risk protection sa mga mi­yembro nito, lalung-lalo na para sa may malulubhang karamdaman na nanga­ngailangan ng mahabang gamutan tulad ng ESRD, hinihikayat at binibigyang diin ng PhilHealth ang polisiya nitong “PD First” bilang paunang gamutan para sa sakit na nangangailangan ng renal replacement therapy.

Abante Hiring – IT dep

Noong 2014, inilunsad ng PhilHealth ang Z bene­fit package para sa ESRD na nangangailangan ng Peritoneal Dialysis o PD.

Sa taong 2016, uma­bot sa P11,578,160 ang binayaran ng PhilHealth para sa 1.5 milyong claims para sa  peritoneal dialysis.

Subalit, ano nga ba ang pagkakaiba ng PD sa Hemodialysis?

Ang peritoneal dialy­sis ay isang uri ng pagdada-dialysis kung saan may tubo o cathe­ter na nakakabit sa loob ng tiyan ng pasyente o sa tinatawag na “peritoneal cavity” kung saan doon ito nakababad at napapaligiran ng bituka.

Ito ay dinadaluyan ng cleansing solution upang masala ang mga waste products o sobrang likido sa dugo.

Ito ay maaaring gawin sa bahay o opisina at maaari na ring gawin ng mismong pasyente o taga-alaga nito na dumaan sa tamang training. Ang prosesong ito ay mas higit na mura dahil sa mano-mano ang ginagawang paglilinis.

Ang hemodialysis naman ay isang uri ng procedure kung saan tinatanggal ang mga waste products at sobrang likido sa dugo sa panahong nagkaroon na ng malfunction sa kidney o bato ang isang indibiduwal sa pamamagitan ng dialyzer.

Ito ay kinakailangang gawin sa ospital o dialysis cli­nics. Kailangan ng isang propesyonal (dialysis nurse) para gawin ang proseso na ito. May kamahalan ito dahil sa makina ang ginagamit.

Ano ang kabilang sa PD First Z Benefit Packa­ge?

Kabilang sa binabayaran ng PhilHealth sa pamamagitan ng PD First Z Benefit package ay ang mga PD solutions (PD double bag system 2.0 liters), dextrose concentrations, at iba pa; at mga PD accessories katulad ng transfer set kada anim na buwan, caps, at iba pa. Kabilang rin dito ang professional fees.

Subalit hindi kasama sa pakete ang pagpapalit ng transfer set dahil sa maaari itong makonta­mina; Y set (Andy disc), ang paggamit ng cycler para sa automated PD at ang 5-liter bag ng PD solutions.

Ang mga pas­yente ay kinakailangang makapasa sa selections criteria ng PhilHealth upang maka-avail ng benepisyong PD First Z Benefit package.

Ang kabuuang halaga na maaaring makamit ng miyembro sa ilalim ng PD First ay P270,000 kada taon. Ito ay maaaring ma-avail sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) bilang reference hospital at Kidney Solution Inc. na parehong matatagpuan sa Quezon City, gayundin sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City at sa St. Paul’s Hospital sa IloIlo City.

Kung sakaling ang pasyente ay hindi nakapasa sa selection criteria o sa pre-authorization ng PhilHealth, ang peritoneal dialysis ng pas­yente ay maaaring bayaran sa pamamagitan ng case rates.

Ngunit, tanging ang may malubhang kalagayan lamang dahil sa biglaang pagpalya ng kidneys ang maaaring mag-avail sa pamamagitan ng case rates para sa peritoneal dialysis o PD – tulad ng mga may Leptospirosis. Ang case rates benefit para sa apat (4) na araw na PD exchanges ay nagkakahalaga ng P2,600 (regardless kung ilang PD exchanges sa isang araw).

Ang apat na araw na PD exchanges ay equivalent sa isang (1) araw na kaltas sa 45 days allowance na itinakda para sa principal member sa loob ng isang taon na na nakapaloob sa benefit package nito at karagdagang 45 days allowance din ang itinakda para paghatian naman ng kanyang mga dependents. Ito’y base sa PhilHealth Circular No. 022 s.-2015. Ang PD case rates packa­ge ay maaaring ma-avail sa alinmang accredited Level 3 (Tertiary) hospital sa buong bansa.

Sa kadahilanang mas mababa ang halaga ng benepisyo sa case rates kumpara sa PD First, kung kaya ang paketeng ito ay maaari na lamang i-avail hanggang sa Ika-1 ng Hunyo ng taong kasalukuyan.

Ang mga susunod na PD be­nefit availments pagkaraan ng ika-1 ng Hunyo 2017 ay maaari nalamang makaavail sa pamamagitan ng PD First Z Benefit package (subject to pre-authorization procedure).

***

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa a­ming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8am-5pm); mag e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph ; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth. Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang No. 1!