Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Pagbabago ng Kategorya ng Informal Economy Member

By
0 71

Tuwing ako ay magbubukas ng aking facebook account, karamihan sa aking nakikita ay mga post tungkol sa mga nakaraang biyahe o bakasyon, bagong damit at sapatos, bagong trabaho, pagpapakasal, pagdadalantao at iba ipa.

Kung hindi man sa social media, ang simpleng pagkakape at panandaliang pagkikita ng barkada ay nagiging daan din ng pakikipag-ugnayan at pagiging updated o pagiging “in” ‘ika nga sa kani-kaniyang mga buhay.

Hiling ko lang na sana kung gaano tayo kasabik na mag-update sa ating mga kaibigan tungkol sa mga pagbabago sa ating buhay ay ganun din sana tayo kasipag na mag-update ng ating rekord sa gobyerno tulad na lang sa PhilHealth.

Bakit? Dahil ang paga-update ng rekord sa PhilHealth tulad na lang ng pagbabago ng civil status, dagdag na dependent, bagong address at iba pa ay napakahalaga lalo na sa paggamit ng inyong benepisyo tulad ng ating mga miyembro mula sa Informal Economy.

Paano nga ba maa-update ang membership cate­gory ng dating Informal Economy member at ano-ano ang iba pang pagkakataon na kailangan ng mag-update ng rekord sa PhilHealth?

Paano ito gagawin para iwas-aberya sa paggamit ng benepisyo?

1. Pagbabago ng kategorya

Mula Informal patungong Formal Economy member

– Kinakailangang ipaalam sa kompanya sa pamamagitan ng kanilang Human Resource Department na ikaw ay dati nang miyembro ng PhilHealth at mayroong existing PhilHealth Identification Number (PIN). Ang iyong PhilHealth number ang siya nilang gagamitin sa pagre-remit at pagre-report ng inyong prima sa PhilHealth.

– Punan ang PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at i-tsek ang kahon ng For Updating at punan ang mga kinakailangang impormasyon kabilang na ang bagong membership category na Formal Economy.

– Isumite ang form sa employer at sila na ang mag-susumite nito sa PhilHealth.
Mula Voluntary member patungong Land-based overseas worker

– Ilagay ang exisiting PIN sa pagpoproseso ng iyong registration bilang overseas Filipino worker/migrant worker.

– Magbayad ng premium contribution para sa isang taon sa halagang P2,400 bago umalis ng bansa.

– Ang inyong hulog ay kinakailangang mag-reflect sa Member Data Record (MDR) na ibibigay ng PhilHealth pagka-update ng inyong record.

Mula Voluntary member patungong senior citizen

– Kung umabot na sa edad na 60, maaari nang tumigil ng paghuhulog ng premium contribution sa PhilHealth. Dahil automatic PhilHealth member na ang mga senior citizen. Ngunit kung ang senior citizen ay kasalukuyan pang nanunungkulan bilang isang empleyado, kinakailangang ipagpatuloy pa ang paghuhulog ng kontribusyon sa PhilHealth hanggang sa panahon ng kanyang nakatakdang pagreretiro.

– Kinakailangan lamang punan ang PMRF at i-tsek ang kahon na may nakalagay na For Updating at ang bagong kategorya.

– Isumite ang PMRF sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa inyong lugar o sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth.

Mula Informal Sector* patungong Indigent member

Kung ang pangalan ay napabilang na sa National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan ng Kagawaran ng Kaga­lingang Panlipunan at Pagpapaunlad, sa kadahilanang wala ng sapat na kita at napabilang na sa pinakamahihirap na pamilyang Filipino, kayo ay magiging kabilang na sa mga miyembro ng PhilHealth sa ilalim ng Indigent program.

– Punan ang PMRF at i-update ang kategorya mula Informal Sector patungong Indigent Program. Maaari itong isumite sa DSWD ng Local Government Unit na inyong kinabibilangan.

– Maaari ring magtungo sa LGU at humingi ng patunay (Certification) na kayo ay kabilang sa i-enlist bilang indigent member ng PhilHealth.

– Ilakip ang patunay/certification sa PMRF at isumite sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth.

– Hintayin ang kopya ng updated MDR o Certificate of Eligibility na siyang gagamitin kung sakaling mag-aavail ng benepisyo.

*naglalako sa kalsada, vendor, tricycle at pedicab drivers, construction worker, at iba pa.

2. Nagbago ng tirahan.

– Punan ang PMRF at ilagay ang kumpletong address ng bagong tirahan at isumite sa pinkamalapit na tanggapan ng PhilHealth o ‘di kaya ay sa pamamagitan ng employer.

3. May idedeklarang karagdagang dependents.

Mas pinadali na ng PhilHealth ang paga-update ng rekord lalo na kung may mga idedeklarang karagdagang dependents dahil wala ng kinakailangan pang dagdag na dokumento.

– Punan lamang ang PMRF at isulat ang pangalan ng mga bagong dependents.

– Sa mga pagkakataon tulad ng pagdedeklara ng anak na may edad 21 pataas na may congenital disabi­lity, kinakailangang magsumite ng medical certificate kung saan nakalagay ang lawak ng sakit.

Siguruhing tama at totoo lamang ang mga isusulat sa PMRF.

Tuwing magpapa-update ng rekord sa PhilHealth, hintayin ang kopya ng inyong updated Member Data Record o MDR kung saan nakasaad na ang mga bagong detalye na inyong pinabago.

Ito ay ilan lamang sa mga kinakailangang gawin sa paga-update ng inyong rekord sa PhilHealth bilang mga informal economy members.

Paalala lamang po, ang deadline ng pagbabayad ng inyong prima sa PhilHealth para sa 2nd quarter 2017 (Abril hanggang Hunyo) ay sa darating na Biyernes, ika-30 ng Hunyo 2017.

Para naman sa mga medyo kapos ng pambayad para sa isang quarter, maaari na po kayong magbayad ng inyong kontribusyon kada buwan sa alinmang tanggapan ng PhilHealth o sa piling accredited collecting banks nito.

Maaari ninyo itong bayaran sa huling araw ng buwan na may pasok pagkatapos ng buwan na inyong binabayaran. (Para sa talaan ng mga accredited collecting agents bumisita sa www.philhealth.gov.ph)

Para iwas-aberya sa pag-aavail ng PhilHealth benefits, ugaliing i-update ang inyong rekord gayun din ng inyong kontribusyon sa PhilHealth.

Maging responsableng miyembro ng PhilHealth!

***

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8am-5pm); mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.