Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Paano malalaman kung may unclaimed refund sa PhilHealth?

By
0 334

Isa na namang makabuluhan at mahalagang impormasyon ang hatid ng inyong PhilHealth sa araw na ito.

Sa edisyong ito ng Alaga ka ng PhilHealth, tatalakayin natin ang tungkol sa unclaimed refund. Pero bago ‘yan, sasagutin muna natin ang tanong ng isa sa ating mga miyembro hinggil sa kanyang PhilHealth refund.

Narito ang kanyang katanungan:

Dear PhilHealth,

Ako po ay naospital noong taong 2015 dahil sa appendicitis. Tinanggal po ang aking appendix.

Ang aking total hospital bill ay umabot sa P30,000 at ang kinaltas para sa a­king PhilHealth benefits ay P18,000. Dahil sa nais ko na pong agad na lumabas ng ospital dahil sa luma­laking gastos, hindi ko po pinansin kung tama ang ibinawas na PhilHealth benefit sa aking bill.

Ako po ay nagtanung- tanong at may nakapagsabi po sa akin na ang PhilHealth benefit na dapat ay kinaltas ng ospital sa aking bill ay P24,000. Tama po ba ito, at kung tama, ano po ang aking dapat gawin para makuha ang aking refund?

Sana po ay matulungan ninyo ako. Napakalaking bagay po sa isang katulad kong average wage earner ang makukuha kong halaga kung sakaling ako nga ay may refund sa PhilHealth. — Letty, Manila

Dear Letty,

Batid namin na mahirap ang maospital lalo na sa isang average wage earner at walang naitatabi para sa panahon ng pagkakasakit. Kung mayroon man, ang bawat sentimo na inilalabas sa bulsa ay napakahalaga.

Tama po na ang ating benepisyo para sa appendectomy (pagtanggal ng appendicitis) ay P24,000. Kung kulang ang benepis­yong kinaltas ng ospital, maaaring kayo nga ay may refund at dapat na maibalik ito sa inyo ng ospital.

Pero upang mas lalo nating malaman at masi­guro kung talagang kulang ang kinaltas sa inyo sa ospital, pinapayuhan ko po kayong makipag-ugnayan sa ating Corporate Action Center sa numerong 441-7442 at ibigay ang mahahalagang detalye tulad ng inyong buong pangalan, tirahan, birthday, petsa ng pagpapaospital, at ospital kung saan kayo na-admit upang maberepika ang estado ng inyong claim.
Marami pong salamat. — Doc Ish

Para naman sa ating mga kababayan na PhilHealth member tulad ni Letty na nais malaman at magbakasakaling may makukuha pang refund mula sa PhilHealth, lalo na sa mga naospital noon pang taong 2007 hanggang 2013, ito ang inyong gabay at maaari ninyong gawin:

1. Ano ba ang ­unclaimed refund?

Ang unclaimed refund ay ang benefit payment na kinakailangang ibalik ng isang accredited na pasilidad/ospital ng PhilHealth sa mga miyembro nito sa panahon ng pagpapaospital.

Ang refund ay maaa­ring resulta ng under-­deduction o hindi paggamit ng benepisyo sa panahon ng pagkakasakit dahil sa iba’t ibang kadahilanan. At ang mga benepisyong ito ay nananatiling unclaimed o hindi pa nakukuha ng mga miyembro magpasahanggang ngayon.

Ang ibinayad ng PhilHealth sa mga ospital para sa benepisyo ng mga miyembro na nananati­ling unclaimed ay muling­ kinuha ng PhilHealth sa mga ospital upang agad na maibalik sa mga ­miyembro nito.

2. Sino ang maaaring makakuha ng refund?

Hindi lahat ng miyembro ay may makukuhang refund. Gayun din naman, hindi lahat ng mga ospital/pasilidad na accredited ng PhilHealth ay may ibabalik na halaga o refund sa mga miyembro. Tanging­ ang mga miyembro lamang na idineklara ng ospital na may unclaimed refund ang siyang maaa­ring makakuha nito.

3. Magkano ang ­refund?

Ang halaga ng refund ay nag-iiba kada miyembro, base sa listahan na isinumite ng ospital sa PhilHealth. Ang pinakamababang halaga na maaaring ma-refund ay isandaang piso (P100).
4. Paano malalaman kung may unclaimed ­refund?

I-access lamang ang www.philhealth.gov.ph/unclaimedrefunds. I-click ang button kung saan nakalagay ang mga pa­ngalan ng mga miyembro na may unclaimed refund.

Kung sakaling ang ­inyong pangalan ay wala sa listahan, ngunit sa tingin ninyo ay may makukuha pa kayong refund sa dati ninyong pagpapaospital, makipag-ugnayan lamang sa ospital/pasilidad kung saan kayo na-admit.

5. Paano makukuha ang refund?

Kung ang inyong pangalan ay kabilang sa listahan, magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth at ipa­kita ang dalawang ­valid government-issued ID.

6. Paano kung hindi puwede o wala ang mi­yembro, sino ang maaa­ring mag-claim ng refund?

Kung ang miyembro ay hindi puwede dahil sa mga kadahilanan tulad ng pagiging overseas worker, may kapansanan, atbp., maaaring magpadala na lamang ng kinatawan na maaaring kumuha ng ­refund. Isumite lamang ang mga sumusunod:

a. Photocopy ng valid ID/passport ng miyembro;

b. Valid ID ng kinatawan/kukuha;

c. Authorization letter na pirmado ng miyembro; at
d. Special Power of Attorney

7. Paano kung ang miyembro ay patay na? Sino ang maaaring kumuha ng refund?

Ang susunod na pinakamalapit na kamag-anak o tagapagmana ang maaaring mag-claim ng refund.

Patunayan lamang ang relasyon sa namatay na miyembro sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga sumusunod na dokumento na magpapatunay sa inyong tunay na relasyon:

a. Valid ID card ng miyembro;

b. Death certificate;

c. Valid ID card ng magki-claim;

d. Birth certificate;

e. Marriage contract;

f. Waiver letter mula sa surviving heir

8. Gaano katagal bago makuha ang refund?

Ang lahat ng pagpoproseso ng bayad para sa mga unclaimed ­refund ay gagawin sa mga PhilHealth Regional Offices (PROs).

Kung ang mi­yembro ay nagsumite ng mga dokumento sa PhilHealth Local Health ­Insurance Office, maaa­ring matagalan ang pagproseso nito kumpara sa mga isinumite sa mga PROs.

Gayunman, ang mga magki-claim ay may opsyon na kunin nang personal ang refund o ‘di kaya ay hintayin na lamang ito na ipadala sa kanilang tirahan sa pamamagitan ng koreo.

***

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa ­aming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8 a.m.-5 p.m.); mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang No. 1!