Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: OFWs na may endo contract

By
0 9

Magandang araw sa lahat ng sumusubaybay sa ating kolum.

Noong nakaraang linggo ay tinalakay natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng PhilHealth cove­rage at mga benepisyong maaaring ma-avail ng mga kababayan nating overseas Filipinos (OF) at kanilang pamilya kung sakaling kinakailangan nilang magpagamot o magpa-confine dito man o maging sa ibang bansa.

Madalas na naitatanong sa amin kung maaari pa bang ipagpatuloy ang paghuhulog ng kontribusyon sa PhilHealth kahit tapos na ang kanilang kontrata sa ibang bansa. Para sa mga kababayan nating OFWs, hinihikayat ko na manatili kayong active member sa PhilHealth upang tuluy-tuloy ang pagkakaroon ninyo ng kasiguruhan sa kalusugan.

Kung natapos na ang kontrata sa overseas emplo­yer at bumalik sa Pilipinas, kinakailangan lamang na i-update ang membership category mula sa pagiging OF member patungong Informal Economy kung saan ang prima ay maaaring bayaran ng buwanan (Php200), quarterly (Php600), semi-annual (Php1,200) o annually (Php2,400). Ito ay napakaliit na halaga kung ihahambing sa mga benepisyong pangkalusugang ipinagkakaloob ng PhilHealth sa mga miyembro nito. Ito ay maaaring bayaran sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth o sa alinmang accredited collecting agents sa buong Pilipinas.

Kung nabigyan naman ng bagong kontrata ng employer, kinakailangan lamang na ipagpatuloy ang pagbabayad ng prima. Maaari itong bayaran ng advance ng dalawang taon o depende sa tagal ng panahong nakalagay sa kontrata ng overseas employer, ngunit hindi lalagpas ng limang taon.

Related Posts

Kung sakali naman na walang oras o hindi maasikaso ng OF member na magbayad ng kaniyang prima sa mga accredited collecting agents at tie-ups sa abroad, maaaring dito sa bansa bayaran ng inyong kamag-anak ang PhilHealth premium. Ngunit kinakailangang may dala silang kopya ng bagong kontrata sa pagbabayad o anumang katibayan kagaya ng valid working visa/permit, certificate of employment para sa applicable period mula sa employer, valid company ID mula sa employer, cash remittance receipt mula sa OFW, valid ID o certificate mula sa bansa kagaya ng Iqama, HK ID o Soggiorno.

Para naman sa mga kababayan nating seaman, ipinapayo ko na kung natapos na ang inyong kontrata sa inyong manning agency at naghihintay ng renewal sa bansa ay ipagpatuloy ninyo ang pagbabayad ng prima para magamit ninyo ang inyong benepisyo mula sa PhilHealth kung sakaling kailanganin ninyo ito.

Ito ay upang maiwasan ang pagkakataon na kung kailan bumaba sa barko at nagbabakasyon dito sa Pilipinas ay hindi makagamit ng benepisyo dahil nakalimutang ipagpatuloy ang pagbabayad ng prima.

Bago ko tapusin ang aking kolum, nais kong ipagbigay alam na ang Team PhilHealth ay pupunta sa mga sumusunod na bansa upang mapaglingkuran ang mga kababayan nating OFWs:

* May 28-30 – Doha, Qatar
* May 29-30 – Muscat, Oman/Abu Dhabi, U.A.E
* June 10-13- South Korea
* June 15-18- Chongqing, China
* June 16-18 – Hong Kong, China
* July 1 – Muscat, Oman/Abu Dhabi, U.A.E

Para sa inyong mga katanungan, kahilingan o suhestiyon, maaari kayong tumawag sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes-Biyernes, 8:00am-5:00 pm) o sa OFW mobile phone: 63917-512-914. Maaari rin kayong mag-e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph o sa ofp@philhealth.gov.ph. Maaari rin kayong mag-post ng inyong suhestiyon o komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.