Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Maging Handa: Magsiguro, Mag-4M Na!

By
0 30

Madalas nababasa natin sa mga dyaryo o pahayagan, o kung hindi man ay nasasaksihan natin sa mga kalsada ang iba’t ibang uri ng sakuna o kalamidad.

Halimbawa na lang nito ay ang pagbaha at paglindol na naranasan ng ating mga kababayan na nagdulot ng matinding pinsala sa kanilang kabuhayan.

Bunsod nito, ang ating pamahalaan ay patuloy sa pagbibigay ng impormasyon at pagsasanay sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang maihanda ang lahat sa mga dapat gawin sa oras na dumating ang tinaguriang “The Big One” o ang 7.2 magnitude na lindol.

Alinsunod din dito ang paglulunsad ng gobyerno ng isang information drive campaign na may temang “#Bida ang Handa,” na may layuning palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholders sa paghahanda sa pinangangambahang lindol.

Nakibahagi rin ang pamunuan ng inyong lingkod kamakailan lamang sa naganap na ma­lawakang earthquake drill na pinangasiwaan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), Office of Civil Defense (OCD) at Department of Interior and Local Goverment (DILG).

Kung paano ang gobyerno ay puspusan ang ginagawang paghahanda, pagpaplano at pagbibigay ng impormasyon upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa, sana ay ganoon din tayo kahanda na alamin ang ating mga tungkulin at responsibilidad bilang isang miyembro ng PhilHealth para sa pagsiguro ng ating kalusugan.

Naisip ko lamang na sadyang dapat handa ang bawat isa sa mga maaaring mangyari kapag may dumating na sakuna.

Sa mga kababayan ko na kapwa empleyado o manggagawa, handa ba tayo sa maaa­ring mangyari? Kakayanin ba natin ito?

Isa-isahin nating talakayin ang apat na M na kailangang gawin ng mga miyembro ng PhilHealth, kabilang na ang formal economy members na kinabibilangan ng lahat ng mga nagtrabaho sa gobyerno at pribadong opisina, ito man ay re­gular, casual, contractor o project-based, mga micro, maliit, katamtamang laki o malalaking kumpanya, at kasambahay o family drivers para masiguro ang pagkamit ng tamang benepisyo.

* Magparehistro

Bilang isang empleyado, responsibilidad natin na siguraduhing ang mga impormasyon na ating inilagay sa PhilHealth Member Registration Form (PMRF) ay tama at kumpleto. Ang PMRF ay maaa­ring mahingi sa alinmang Local Health Insurance Office (LHIO) ng PhilHealth o ma-download mula sa www.philhealth.gov.ph.

Sa pagpaparehistro ay maaaring ideklarang dependent ang mga sumusunod: Legal na asawa na hindi pa PhilHealth member, anak na mababa sa 21 taon ang edad, walang trabaho at walang asawa; anak – anakan (foster child) ayon sa Foster Care Act ng 2012; illegitimate, legitimated o adopted kids at mga magulang na wala pang 60 taon, may perma­nenteng kapansanan o disability at umaasa sa suporta ng anak.

Related Posts

Kung kayo naman ay nagparehistro online, ipadadala ng PhilHealth ang PhilHealth Identification Number (PIN) at Member Data Record (MDR) sa inyong email address. Ang ID card naman ay maaaring kunin ng miyembro sa alinmang LHIO ng PhilHealth.

* Magbayad ng kontribusyon

Tungkulin ng bawat isa na magbayad ng kanilang buwanang kontribusyon para sa panahon ng pagkakasakit, segurado ang pagkakamit ng benepisyo. Ang buwanang kontribusyon na ibinabawas sa isang empleyado ay katumbas lamang ng hanggang sa 2.5% ng kanilang basic salary na paghahatian ng employer at empleyado.

Ito ay awtomatikong ibabawas sa buwanang sahod ng miyembro. Katumbas nito ang pagsusumite ng buwanang remittance report sa PhilHealth limang araw matapos i-remit ang kontribus­yon.

Alinsunod sa National Health Insurance Act ng 2013, ang employer na hindi mag-remit ng kontribusyon at magsumite ng remittance list ay may pananagutan sa pagbabayad ng properly filed claim kung sakaling ang isang empleyado o kanyang dependent ay mag-avail ng PhilHealth benefits.

* Mag-update ng record

Siguraduhing laging updated ang PhilHealth record kung may impormasyong binago o may idinagdag na dependents. Mangyari lamang na punan ang PMRF, huwag kalimutang lagyan ng tsek ang “For Updating” na nasa bandang kanang itaas ng PMRF, at pagkatapos ay isumite sa pinakamalapit na PhilHealth Office.

* Magpabawas ng benepisyo

Bago lumabas ng ospital, kinakailangang isumite ang mga sumusunod: PhilHealth Claim Form 1 na pinunan ng tama at kumpleto na maaaring hingin sa ospital, tanggapan ng PhilHealth o i-download mula sa www.philhealth.gov.ph, kopya ng Health Insurance ID Card at/o Updated Member Data Record at kopya ng katunayan ng kaukulang kontribusyon. Kung ang napiling pagamutan ay mayroong My PhilHealth Portal, agad nang malalaman kung maaari nang gamitin ang benepisyo.

Malaking tulong ang pagiging handa lalo na kung nakasalalay ang pagkakamit ng mga benepisyong pangkalusugan, kaya nga, ito ay huwag nating ipagsawalang bahala.

Kung kayo ay may anumang katanungan sa PhilHealth o sa paksang nailathala sa aking kolum, tumawag lamang sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442, magpadala ng email sa actioncenter@philhealth.gov.ph o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth

Maaari din ninyong bisitahin ang www.philhealth.gov.ph para sa iba pang impormasyon.