Una sa Balita

ALAGA KA NG PHILHEALTH: Foreign Nationals, maaari nang mag-enrol sa ilalim ng Informal Sector ng PhilHealth

By
0 15

Magandang buhay mga mahal naming tagasubaybay! Kumusta naman po kayo? Nasa panahon na po tayo ng tag-init kung kaya’t kaunting ingat po at alam naman nating maraming sakit ang nakukuha kapag ganitong panahon.

At dahil summer na nga, ramdam na ramdam na natin ang tag-init. Sigurado akong marami na sa ating mga kababayan ang nagpapalamig sa mga beach resorts.

Subalit hindi lamang mga Filipino ang pumupunta sa beach tuwing tag-init kundi pati na rin mga dayuhan.

Kumusta na nga ba ang industriya ng turismo sa Pilipinas? Ang industriyang ito ay kinikilalang malaking source ng revenues o kita ng ating bansa.

Ito rin ay nakapagdye-generate ng trabaho sa marami nating mga kababayan at nakatutulong sa ating dollar reserves.

Alam n’yo ba na ayon sa Dept. of Tourism, mahigit-kumulang limang milyong dayuhan ang bumibisita sa ating bansa taun-taon?

Subalit mayroon din namang mga dayuhan o ‘yung mga foreign retirees na pinili na ring manirahan dito sa ating bansa.

At upang maproteksyunan din naman natin ang kanilang kalusugan habang sila ay nandirito sa ating bansa, mayroon namang prog­rama ang PhilHealth na inilaan para sa kanila.

Tunay ngang ito ay isang napakagandang tulong para sa mga dayuhang piniling manirahan dito sa ating bansa kung kaya’t ngayong araw na ito ay nais kong bigyang daan ang isa nating kababayan na nagpadala sa atin ng liham dahil sa siya ay may kapatid na nakapag-asawa ng foreign national. Tunghayan natin ang kanyang liham:

Dear Dr. Ish:

Ang kapatid ko po ay mahigit sampung taong nanirahan sa ibang bansa at sa kasalukuyan ay American citizen na po siya.

Siya rin ay nakapag-asawa ng isang Amerikano at kailan lamang po ay nag-retire na rin sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan sa Amerika.

Dahil sa nananalaytay pa rin naman sa kanya ang dugong Filipino, nagpasya po silang bumalik upang permanenteng manirahan dito sa ating bansa.

Ang mga foreign retirees po ba na naninirahan dito sa ating bansa ay maaaring mag-enrol sa PhilHealth? Menalyn ng Cubao, Quezon City

Mahal kong Menalyn:

Huwag kang mag-alala dahil ang iyong bayaw na Amerikano at maging ang iyong kapatid na American citizen na ay maaaring mag-enrol sa PhilHealth.

Ito ay batay sa Section 5 (b6), Rule 1, Title III ng revised IRR ng RA 7875, as amended, kung saan isinasaad na ang mga mamamayan mula sa ibang bansa na naninirahan o nagtatrabaho sa Pilipinas ay maaaring mag-enrol sa Informal Sector ng PhilHealth.

Kamakailan ay inaprubahan din ng PhilHealth Board of Directors sa pamamagitan ng PhilHealth Board Resolution No. 2093, s-2016 ang mga tiyak na mekanismo upang mabigyan ng kaseguruhan sa kalusugan ang mga foreign nationals at mga Filipinong mayroon nang ibang pagkamamamayan (citizenship) sa ilalim ng partnership ng PhilHealth at Philippine Retirement Authority (PRA) kung kaya’t ipinalabas ang PhilHealth Circular 2017-0003.

Para sa karagdagang kaalaman, naririto ang iyong gabay:

1. Sinu-sino ang sakop ng PhilHealth Circular 2017-0003 (Enrolment of Foreign Nationals under the Informal Economy Program of the NHIP)?

a. Foreign retirees at dating Filipino citizens na nakarehistro sa PRA at ang kanilang mga kwa­lipikadong dependents na nagtataglay ng Special Resident Retiree’s Visa (SRRV) at nabigyan ng permanent residency sa ilalim ng to Section 9 (d) of Executive Order No. 1037; at

b. Mga mamamayan ng ibang bansa na nagtatrabaho o naninirahan sa bansa na mayroong valid Alien Certificate of Registration Identity Card (ACR I-Card)

Related Posts

2. Paano naman ang mga foreign nationals na nagtatrabaho dito sa ating bansa?

Kung sila ay may pormal na kontrata sa kanilang employer at mayroong PhilHealth deduction sa kanilang suweldo, sila ay mapapabilang sa Employed Sector (Itutuloy)

3. Anu-ano ang mga pangunahing dokumentong kinakailangan upang makapag-enrol sa Informal Sector?

* Valid SRRV – for foreign retirees registered in PRA
* Valid ACR I-Card – for other foreign citizens

4. Sinu-sino ang maaari nilang ideklarang dependent?

* Para sa foreign national na Filipino ang asawa :

Ang asawang Filipino at kanilang anak na mababa sa 21 taong gulang na hindi pa sakop ng NHIP;

* Para sa mag-asawang parehong foreign nationals:
Ang asawang foreign national o isa sa kanilang anak na mababa sa 21 taong gulang kahit na hindi Filipino citizen

5. Paano kung ang isang PhilHealth member ay may asawang foreigner, maaari ba niyang ideklarang dependent ang asawa niyang foreign national?

Hindi maaari.

6. Maaari ba silang maging Lifetime Member ng PhilHealth?

Kung sila ay may 120 buwang kontribusyon na sa Programa at 60 taong gulang pataas, sila ay maaaring maging lifetime member ng PhilHealth. Ngunit hindi sila maaaring mag-qualify sa mandatory PhilHealth coverage para sa mga senior citizens sa pamamagitan ng RA 10645.

7. Saan sila maaaring mag-enrol?

Maaari silang magtungo sa alinmang PhilHealth Regional o Local Health Insurance Office na malapit sa kanilang lugar.

8. Magkano ang prima na kanilang babayaran?

* Php 15,000.00/bawa’t taon – para sa mga foreign retirees na nakarehistro sa PRA
* Php 17,000.00/bawat taon – para sa ibang dayuhan

9. Anu-ano ang mga benepisyong maaari nilang matanggap mula sa PhilHealth?

Maaari nilang matanggap ang lahat ng benepisyong ipinagkakaloob ng PhilHealth sa mga miyembro nito maliban lamang sa Z Benefit Packages, special privileges para sa Women About To Give Birth (WATGB) at reimbursement para sa lahat ng pagpapaospital sa ibang bansa.

10. Kailan magiging epektibo ang polisiyang ito?

Ang PhilHealth Circular 2017-0003 ay magiging epektibo sa July 1, 2017.

Marami pong salamat.
Doc Ish

————-
Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa aming Action Center sa (02)441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8am-5pm); mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Lagi po nating tatandaan, para sa inyong kalusugan, tulong ng PhilHealth ay laging nakalaan!