Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Filipinong may dual citizenship, maaari nang maging miyembro ng PhilHealth

By
0 78

Magandang balita para sa mga Filipinong may dual citizenship, o yung mga napanatili at muling nakuha ang kanilang pagkamamamayang Filipino sa bisa ng Republic Act 9225, o mas kilala bilang Citi­zenship Retention and Re-acquisition Act of 2003: maaari na kayong magkaroon ng kaseguruhan sa kalusugan.

Inihayag ng Phi­lippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bagong kaganapang ito sa pamamagitan ng Circular No. 2017-0004.

Ang PhilHealth ang nangangasiwa ng National Health Insurance Program (NHIP) na may mandatong makapagbigay ng social health insurance coverage upang masiguro ang abot-kaya, katanggap-tanggap, magagamit at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas.

Tinutukoy sa Republic Act No. 7875 na sinusu­gan ng Republic Act No. 10606, o ang National Health Insurance Act ng 2013, na ang mga Filipinong mayroong dual ci­tizenship (FDCs) ay mga Filipino ‘na mamamayan din ng ibang bansa’ .

Upang makapagparehistro sa NHIP, kinakailangan lamang na magsumite ang FDCs ng maayos na napunan na PhilHealth Member Registration Form (PMRF) at Certificate of Re-acquisition/Retention of Philippine Citizenship (CRPC) o Identification Certifi­cate (IC) na ipinagkakaloob ng Philippine Embassy o ng Philippine Consulate sa ibang bansa, o ng Bureau of Immigration alinsunod sa bagong panukala ng Philippine Citizenship sa ilalim ng RA 9225. Ang PMRF ay maaaring makuha o ma-download sa PhilHealth website, www.philhealth.gov.ph.

Para sa mga FDCs na nais ideklara ang kanilang mga anak na wala pang 21 taong gulang, walang asawa at walang hanapbuhay, ilakip ang kopya ng CRPC o IC sa PMRF.

Para sa mga idedeklarang mga anak na may edad 21 taong gulang pataas subalit may kapansanan, pisikal man o mental, ilakip ang kopya ng CRPC o IC at medical certificate na nagpapatunay na ang anak ay may kapansanan.

Maaari ring ideklara bilang dependent ang legal na asawang Filipino na may dual citizenship din, ngunit hindi pa miyembro ng PhilHealth. Kinakailangan lamang na ilakip ang kopya ng marriage contract at CRPC o IC sa PRMF.

Ang mga magulang na Filipino na may edad 60 taong gulang pababa, hindi pa miyembro­ ng PhilHealth, may ­malubhang kapansanan,­ at walang kakayahang­ makapagtrabaho, ay maaari ring gawing dependent.

Kinakailangan­ lamang na ilakip sa PMRF ang kopya ng birth certificate ng FDC at ng kanyang mga magulang at medical certifi­cate kung saan nakasaad ang detalye tungkol sa kapansanan ng kanyang magulang.

Ang taunang kontri­busyon o prima ay P3,600.00 na maaaring­ bayaran sa kahit saang­ PhilHealth-accredi­ted collecting agent, lokal man o sa ibang bansa. Ang paunang bayad sa prima ay pinahihintulutan, subalit hindi ito lumampas sa dalawang magkasunod na taon.

Ang mga FDCs at legal na dependents nito ay maaaring makakuha ng benepisyo kung sila ay maospital sa ibang bansa o maospital sa Pilipi­nas sa kahit saang­ PhilHealth-accredited­ health care institution.

Kinakailangan lamang na mayroong tatlong buwang hulog sa loob ng anim na buwan bago ang unang araw ng pagkakamit ng benepisyo.

Maliban sa in-patient benefit packages, maaari ring makamit ng FDCs ang special benefit packages, at ang mga paketeng nakapaloob sa Z benefits, alinsunod sa umiiral na alituntunin sa pagkakamit nito.

Sila rin ay maaaring mag-reimburse sa PhilHealth sa panahong sila ay na-ospital sa ibang bansa ngunit ang halagang babayaran ay katumbas ng nasa All Case Rates at ito ay babayaran katumbas ng halaga sa Philippine peso.

Upang maka-reimburse, kinakailangang maipadala ang mga dokumento para sa claims sa overseas confinement sa loob ng 180 araw simula sa araw ng paglabas ng ospital.

Para sa mga interesadong Filipino na may dual citizenship, maaaring tumawag sa aming 24/7 Corporate Action Center Hotline sa (02) 441-7442.

Maaari ring mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph, o mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Sa PhilHealth, ang bawat buhay ay mahalaga. Anuman ang iyong estado sa buhay, garantisadong ramdam ang aming pag-aalaga.