Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Espesyal na alagang PhilHealth para kay Mommy at Baby

By
0 21

Masayang-masaya ako noong Linggo dahil nakasama ko ang aking pamilya at ang cute na cute kong apo.

Napakabilis talaga ng panahon dahil kailan lamang ay bagong silang na sanggol pa lamang siya, ngayon ay nag-aaral nang maglakad.

Lahat kami ay enjoy na enjoy na panoorin ang kanyang mga bagong pakulo, sayaw at pagkanta.

Abante Hiring – IT dep

Talaga namang nakawawala ng pagod sa tuwing nakikita kong tumatawa at nangungulit ang aking apo.

Sa buong maghapon na magkakasama kami, kitang-kita ko ang pagmamahal at pag-aalagang ginagawa ng aking pamangkin para masigurong ligtas at malusog ang kanyang anak.

Kagaya ng aking pamangkin at ng iba pang mga ina, espesyal na pag-aalaga rin ang ibinibigay ng PhilHealth para sa mga buntis at mga bagong silang na sanggol.

Sinisiguro nito na sila ay mayroong financial risk protection kung kaya’t inilunsad ang polisiya na ‘Women about to give birth’ noong 2014.

Sa ilalim ng polisiyang ito, ang mga buntis ay maaaring magpa-miyembro sa PhilHealth at sila ay maaaring maka-avail kaagad ng benepisyo.

Ano-ano ang mga benepisyong ito?

Maternity Care Package (MCP)

Ang paketeng ito ay maaaring ma-avail sa alinmang PhilHealth accredited na ospital, infirmary/dispensary at paanakan (birthing homes/maternity clinics) sa buong bansa.

Covered nito ang mga kumpletong serbisyong kinakailangan ng isang nagdadalangtao sa panahon ng kanyang pagbubuntis (antenatal period), pagle-labor, panganganak at post-partum period, kasama na ang follow-up check-up sa loob ng 72 oras at isang linggo pagkapanganak.

Ang paketeng ito ay nagkakahalagang P6,500 para sa ospital at P8,000 para sa infirmary/dispensary at paanakan.

Ngunit kinakailangang may pre-natal check-up muna ang buntis bago maka-avail ng MCP.
Normal Spontaneous Delivery (NSD)

Sa ilalim ng paketeng ito, covered ang mga kinakailangang serbisyong pangkalusugan para sa mga normal low risk vaginal deliveries hanggang sa postpartum period sa loob ng 72 oras at 7 araw pagkatapos manganak.

Ito ay nagkakahalagang P6,500 kung sa ospital nanganak at P5,000 naman sa infirmary/dispensary at birthing home o paanakan.

Antenatal Care Package

Kasama sa paketeng ito ang mga essential health services na kinakailangan sa panahon ng kanyang pagbubuntis kagaya ng konsultasyon at laboratory exams.

Ito ay nagkakahalagang P1,500 kung saan ang 40% nito ay bayad para sa professional fee at 60% naman ay para sa facility fee. Ito ay ibinabayad ng PhilHealth sa ospital o paanakan.

Newborn Care Package (NCP)

Dahil sinisiguro ng PhilHealth na ang mga bagong silang na sanggol ay mayroon ng access sa health care services, ang NCP naman ay sadyang para sa kanila.

Covered nito ang mga sumusunod na serbisyo: Newborn Screening Test, Newborn Hearing Screening Test at essential services kagaya ng immediate drying o kagyat na pagpapatuyo sa katawan at mukha ng sanggol gamit ang malinis na sapin, early skin to skin contact ng ina sa kanyang sanggol upang madama ang init at agad na maproteksyunan ang sanggol, timely cord clamping o nasa oras na pagsasaayos ng pusod ng sanggol, hindi agarang paghihiwalay sa ina at sanggol para sa maagang pagpapasuso, pagbibigay ng eye prophylaxis, vitamin K administration, first dose ng hepatitis B at pagbibigay ng BCG vaccine. Kasama na rin sa paketeng ito ang bayad sa professional fee.

Lilinawin ko lamang na binabayaran din ng PhilHealth ang panganganak sa pamamagitan ng caesarian section na may paketeng P19,000.00.

Muli, maraming salamat sa inyong pagtangkilik sa ating kolum. Kung kayo ay may anumang katanungan sa PhilHealth o sa paksang nailathala sa aking kolum, tumawag lamang sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442 anumang oras o araw, magpadala ng email sa actioncenter@philhealth.gov.ph o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth.

Maaari rin ninyong bisitahin ang www.philhealth.gov.ph para sa iba pang impormasyon.