Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Bilang Household Employer, may PhilHealth ba ang iyong kasambahay?

By
0 39

Magandang araw para sa ating mga masugid na ­mi­yembro na nag-aabang ng ating mga updates sa PhilHealth.

Sa linggong ito, ang pag-uusapan natin ay kung paano ba maging responsableng household employer para sa ating mga magigiting at tapat na kasama sa ating mga bahay… ang ating mga kasambahay.

Dapat lamang nating siguraduhin bilang mga household employer na maisama sa listahan ng PhilHealth ang pangalan ng lahat ng ating mga kasambahay sa ilalim ng Formal Economy.

Kailangan lamang punan ng ating mga kasambahay ang PhilHealth Member Registration Form (PMRF) upang sila ay mairehistro sa PhilHealth. Maaaring idownload ang PMRF sa www.philhealth.gov.ph.

Habang pinupunan ng ating mga kasambahay ang PMRF, mas mainam na tiyaking idineklara nila ang lahat nang maaaring gawing legal na dependent nila.

Kabilang na rito ang asawang hindi miyembro ng PhilHealth; mga anak na 20 taong gulang pababa, walang asawa’t walang hanapbuhay; mga anak na legitimong inampon, mga anak na kinilala at hindi kinikilala ng kanilang magulang; mga batang inampon ayon sa Foster Care Act ng 2012; at mga anak na 21 taong gulang pataas nguni’t may kapansanan.

Ang napunan na PMRF ay inyong isusumite sa PhilHealth, kalakip ang ER2. Ibibigay sa inyo bilang household employer ang kopya ng Member Data Record o MDR, at PhilHealth ID card ng inyong kasambahay.

Mangyaring magtabi ng isang kopya ng MDR upang hindi maabala kung sakaling bigla itong kailanganin ng inyong kasambahay.

Magkano naman ang dapat bayaran bilang prima

Ang buwanang pagbabayad ng prima ay pinaghahatian ng kasambahay at ng kanyang household employer.

Kung ang sweldo ng kasambahay ay hindi lalampas ng P5,000 kada buwan, ang household employer ang magbabayad ng buong prima na nagkakahalaga ng P200.

Nguni’t kung lampas sa P5,000 kada buwan and kanyang sweldo, ang prima ay paghahatian ng household employer at ng kasambahay. Kinakaltas ito sa buwanang sahod ng kasambahay.

Related Posts

Ibinabayad ang buwanang prima hanggang ika-10 ng bawat buwan sa halos lahat ng mga collecting agents ng PhilHealth.

Siguraduhing updated ang bayad ng prima upang hindi magka-problema sa paggamit ng mga benepisyo.

Ano-ano ang mga benepisyong maaaring makamit?

Bilang miyembro ng PhilHealth, ang kasambahay at ang kanyang mga idineklarang dependents ay makagagamit ng mga benepisyo ng PhilHealth, basta siguraduhin niyang bayad ang tatlong buwan na prima sa loob ng anim na buwan bago ang unang araw ng pagpapaospital.

Kabilang sa mga benepisyong maaaring makamit ay inpatient benefit packages na binabayaran ng PhilHealth sa ospital sa pamamagitan ng Case Rates.

Ibig sabihin, may nakalaang halaga sa bawa’t sakit o karamdaman na maaaring dahilan ng pagpapaospital ng miyembro.

Mayroon ding mga benepisyong makakamit kahit hindi na-admit sa ospital, tulad ng cataract extraction, pagpatanggal ng bukol at iba pa.

May benepisyo rin para sa mga sakit na nangangailangan ng mahaba at magastos na gamutan.

Ito ang Z Benefit Packages na maaaring makamit sa mga ospital na kinontrata ng PhilHealth para ibigay ang buong serbisyo.

Sa pagkakataong nagkasakit ang kasambahay, maaari niyang magamit ang No Balance Billing o polisiyang NBB ng PhilHealth.

Ibig sabihin, wala na siyang dapat pang bayaran higit sa sagot ng PhilHealth, kung siya ay na-admit sa pampublikong ospital sa ilalim ng ward accommodation.

Panatilihin nating maganda ang estado ng kalusugan ng ating mga kasambahay. Laging tatandaan, alaga kayo ng PhilHealth!

Kung may nais kayong itanong tungkol sa aming mga programa at serbisyo, mag-email lamang sa actioncenter@philhealth.gov.ph o tumawag sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442. Bisitahin din ang aming official social media accounts: www.facebook.com/PhilHealth at ang www.twitter.com/teamphilhealth.