Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Benepisyong PhilHealth

By
0 30

Magandang buhay sa lahat ng ating tagasubaybay. Narito na naman ang “Alaga ka ng PhilHealth” upang mabigyan kayo ng tamang kaalaman tungkol sa inyong karapatan bilang miyembro ng PhilHealth.

Noong nakaraang Huwebes ay ibinahagi ko sa inyo kung ano ang formal economy at may maikling pasada na rin ako sa mga benepisyong maaaring matanggap ng mga miyembro.

Sabi nga, mahirap at mahal ang magkasakit. Kaya naman hayaan ninyo ako ngayong palawakin pa ang inyong kaalaman tungkol sa benepisyo ng PhilHealth.

Masasabi ko na masusing pinag-aralan ang bawat benepisyong ibinibigay upang makatulong sa mga miyembro sa panahong kakailanganing gamitin ito ninuman sa pamilya.

Isa sa lagi kong sinasabi na alamin ang benepisyong PhilHealth. Kaya naman ating isa-isahin ang mga ito:

Inpatient Care Be­nefits–Ito ang benepisyong maaaring makamtan kapag kinailangang ma-admit sa ospital.

Kinakailangang ma-admit ang pasyente ng 24 oras sa accredited na ospital at tiningnan ng accre­dited na doktor upang maka-avail ng benepisyo.

Binabayaran ito ng PhilHealth sa pamamagitan ng “Case Rates” kung saan ang bawat sakit o operasyon ay mayroong nakatalagang halaga. Mahigit na 9,000 medical at surgical cases ang nakapaketeng binabayaran ng PhilHealth.

Sa ilalim ng Case Rates scheme, mas madaling nalalaman ng miyembro ang benepisyong kanyang maaaring ma-avail.

Dahil nakapakete na, nakapaloob na dito ang benepisyo para sa hospital bill at professional fee.

Mas madali at mabilis ding nababayaran ng PhilHealth ang ospital dahil pre-determined fixed rate na ang bawat kaso.

Ilan sa mga halimbawa ay asthma o hika na binabayaran ng PhilHealth ng Php9,000. Kung pulmonya naman, maaari itong bayaran ng P15,000 para sa Pneumonia I at P32,000 para naman sa Pneumonia II.

Kung surgical procedure naman kagaya ng panganganak sa pamamagitan ng caesarian section, ito ay babayaran ng P19,000 o kung kailangang operahan o alisin ang appendix sa pamamagitan ng appendectomy, ito ay babayaran ng P 24,000.

Outpatient Care-Binabayaran din ng PhilHealth ang ilang procedures nang hindi na kailangang ma-admit sa ospital ng pasyente. Kabilang dito ang sumusunod:

Ambulatory o day surgeries-mga operasyon na naka-schedule o tinatawag na elective surgical procedures na maaaring minor o major operation. Ang pasyente ay maaa­ring makauwi sa kanilang bahay pagkatapos magawa ang operasyon.

Halimbawa nito ay pagtanggal ng katarata, debridement ng sugat upang gumaling kaagad, at raspa o tinatawag ding dilation and currettage.

Radiotherapy–ito ay binabayaran ng PhilHealth ng P2,000 kada sesyon para sa cobalt at P3,000 kada sesyon para sa linear accelerator.

Hemodialysis-ito ay binabayaran ng PhilHealth ng P2,600 kada sesyon at maaaring ma-avail kahit inpatient o outpatient man. Covered din ng PhilHealth ang emergency dialysis para sa acute renal failure.

Outpatient Blood Transfusion o pagsasalin ng dugo–para sa procedure na ito, sagot ng PhilHealth ang Php 3,640 at nakapaloob na dito ang gamot, x-ray, laboratory at operating room fee.

Primary Care Package-ang paketeng ito ay mayroong preventive services (kagaya ng konsultasyon, regular na pagkuha ng presyon ng dugo, breast examination, digital rectal examination, diagnostic examination ayon sa payo ng doktor (kagaya ng complete blood count, urinalysis, fecalysis, chest x-ray, lipid profile, fasting blood sugar at sputum microscopy) at mga gamot para sa hika, pagdudumi o acute gastroenteritis wala o may kaunting dehydration, upper respiratory tract infection/pulmonya (mi­nimal and low risk) at urinary tract infection.

Ito ay maaaring ma-avail sa mga accredited primary care provider kagaya ng rural health centers, rural health units o outpatient department ng piling pampublikong ospital. Sa kasalukuyan, ito ay maaari lamang ma-avail ng mga Indigent, Sponsored, Overseas Filipino Workers, iGroup Gold members at DepEd personnel.

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga Special Benefits na maaari ring ma-avail ng mga miyembro:

TB DOTS–o Tuberculosis-Directly Observed Treatment Short-course na nagkakahalaga ng P4,000.00. Ito ay maaaring ma-avail sa mga accredited TB-DOTS centers
Malaria treatment na ibinibigay ng mga accredited rural health units at nagkakahalaga ng P600.00

HIV/AIDS treatment–kasama sa paketeng ito ang drugs and medicines, laboratory exams kasama ang Cluster Difference 4 (CD4) level determination test at test para sa pag-monitor ng anti-retro viral drugs (ARV) toxicity at professional fee ng doctor. Ito ay maaaring ma-avail sa mga accredited DOH designated treatment hubs sa buong bansa at nagkakahalaga ng P30,000.00.

Animal Bite Package–ang paketeng ito ay tulong sa mga nakagat ng mga hayop kagaya ng aso, pusa, baka, baboy, kabayo, kambing maging ng mga hayop kagaya ng paniki o unggoy. Ito ay nagkakahalaga ng P3,000.00 at maaaring ma-avail sa mga accredited Animal Bite Treatment Centers

Voluntary Surgical Contraception Procedures–para sa mga nagnanais na magpa-vasectomy at tubal ligation, ang pakete ay nagkakahalaga ng P4,000.00.

Ilan pa lamang ito sa mga benepisyong maaa­ring ma-avail ng mga PhilHealth members. Sa susunod na Miyerkules ay tatalakayin ko ang PhilHealth Z Packages kaya abangan ninyong muli ang Alaga ka ng PhilHealth.

Kung kayo ay may anumang katanungan sa PhilHealth o sa paksang nailathala sa aking kolum, tumawag lamang sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442, magpadala ng email sa actioncenter@philhealth.gov.ph o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth. Maaari din ninyong bisitahin ang www.philhealth.gov.ph para sa iba pang impormasyon.