Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Benepisyong PhilHealth para sa Informal Economy

By
0 70

Kahit sino ay maaaring maging miyembro ng PhilHealth. Bata, matanda, mahirap man o may kaya, may trabaho o wala, lahat ay kasali, dahil sa PhilHealth, lahat dapat miyembro!

Ang PhilHealth ay nahahati sa pitong kategorya at ito ay ang mga sumusunod: Formal Economy members, Informal Economy members, Indigent members, Sponsored members, Overseas Filipino members, Lifetime members at mga Senior Citizens sa ilalim ng RA 10645.

Kung ikaw ay street vendor o nagtitinda ng taho, balut, nagtitinda sa palengke, o kaya naman ay pedicab o tricycle driver, construction worker o laborer – ikaw ay kabilang sa Informal Economy.

Gayundin ang mga self-earning individuals o kaya’y mga professional tulad ng doktor, abogado, inhinyero, artista o celebrity, arkitekto, atleta, coach at iba pa. Sa lahat ng kategorya, ang informal economy ang may pinakamalawak na klase ng indibidwal na nasasakupan.

Bahagi din ng informal economy ang mga Filipino Migrant Workers (documented o undocumented), mga Filipino na may dual citizenship o mga Filipinong mamamayan din ng ibang bansa, kasama rin ang mga naturalized Filipino citizens pati na ang mga banyagang nagtatatrabaho at permanenteng nakatira sa Pilipinas ay sakop din sa ilalim ng Informal Economy.

Kung kayo po ay kabilang sa mga indibidwal na aking nabanggit at hindi pa miyembro ng programa, kayo po ay aking hinihikayat na magparehistro na sa PhilHealth upang maseguro ang inyong kalusugan at ng iyong buong pamilya sa panahon ng karamdaman. 

Ano ang mga benepisyong maaaring makamit?

Ang principal member at mga dependents nito ay maaaring magkamit ng benepisyo para sa gastusin sa bawa’t karamdaman o operasyon. May nakatalagang halaga o case rates sa bawa’t karamdamang binabayaran ng PhilHealth.

Kabilang na rito ang Pneumonia I & II (P15,000 at P32,000); Stroke o CVA I at II (P28,000 at P38,000); Hypertensive Emergency o sobrang taas ng presyon ng dugo (P9,000); Dengue I at II (P8,000 at P16,000); at Asthma with Acute Exacerbation o Hika (P9,000). Kasama rin sa binabayaran ng PhilHealth ang mga sumusunod: Newborn Care Package (P1,750); Hemodialysis (P2,600 kada session); Maternity Care Package o pa­nganganak ng normal sa lying-in clinics (P6,500); Pa­nganganak ng normal sa ospital o Normal Spontaneous Delivery Package (P5,000); Caesarean Section (P19,000); Cataract Extraction Package (P16,000); Dilatation and Curettage o Raspa (P11,000); Appendectomy (P24,000); at marami pang iba.

Bukod sa mga nabanggit na benepisyo, maaari ding magkamit ang mga Informal Economy members at mga dependents nito ng Z Benefit package. Ang benepisyong ito ay ibinibigay para sa mga sakit na nangangailangan ng mahaba at mahal na gamutan.

Subali’t upang makamit ang benepisyong nabanggit, ang pasyente ay kailangang dumaan sa pre-conditions at selections criteria sa mga contracted government at private hospitals.

Ang ilan sa mga pake­teng ito ay ang mga sumusunod: Acute Lymphocytic Leukemia o ALL, standard risk (P380,000 kung ia-avail sa mga contracted DOH-retained hospitals, at P500,000 naman sa mga contracted private hospitals); Breast Cancer na nasa Stage 0 hanggang 3A (P100,000); Prostate Cancer, low hanggang intermediate risk (P100,000); Kidney Transplant, low-risk (P600,000); Coronary Artery Bypass Graft Surgery (P550,000); at marami pang iba.

Samantala, may ilan pang mga benepisyong maaaring mapakinaba­ngan ang mga Informal Economy members at mga dependents nito nang hindi kailangang magpa-admit sa ospital. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: Tuberculosis-Directly Observed Treatment Short-course o TB-DOTS na binibigay ng mga accredited TB-DOTS centers (P4,000); Malaria Treatment Package (P600); HIV-AIDS Treatment Package (P30,000 kada taon); at Animal Bite Package (P3,000). Maging ang Vasectomy at Tubal ligation ay binabayaran din ng PhilHealth sa halagang P4,000.  

Nais ko pong ipaalam na ang isang miyembro ay may nakalaang 45 na araw ng pagpapaospital sa loob ng isang taon at hiwalay na 45 na araw naman ang paghahatian ng kanyang qualified dependents.

Manatili lamang po tayong aktibo sa prog­rama at regular na nag­huhulog ng kontribusyon upang hindi maantala ang pag avail ng benepisyong PhilHealth sa panahon ng karamdaman. 

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8am-5pm) o mag e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth. Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang No. 1!