Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Benepisyo ng PhilHealth para sa mga buntis

By
0 347

Magandang buhay, mga mahal naming tagasubaybay! Naitanong mo ba sa iyong sarili kung bakit la­ging binabati ng doktor ang kanyang pasyenteng babae kapag natiyak niyang ito’y nagbubuntis? O napapansin mo ba ang ngiti sa mukha ng magi­ging ama kapag natiyak na nagdadalang-tao nga ang kaniyang asawa?

Ito ay dahil sa ang pagbubuntis ay isang biyaya mula sa Maykapal na ikinatutuwa ng mga kaibigan at kapamilya. Tunay ngang ito ay isang napakagandang biyaya kung kaya’t ngayong araw na ito ay nais kong bigyang daan ang isa nating kababayan na nagpadala sa atin ng liham dahil sa siya ay may suliranin hinggil sa kanyang pagdadalang-tao. Narito ang kanyang liham:

Dear Dr. Ish,

Ako po ay isang simpleng maybahay at mayroong dalawang anak. Ang akin pong asawa ay nagtatrabaho bilang construction worker kung kaya’t hindi regular ang kanyang pagpasok. Sa kasalukuyan po ay ipinagbubuntis ko ang aking ikatlong anak at hindi ko malaman kung matutuwa o malulungkot ako dahil sa nag-aalala po ako sa gagastusin sa aking panganganak. Paano po kaya ako matutulungan ng PhilHealth? — Susan, Caloocan City

Dear Susan,

Sinasabi ng Bibliya na ang mga anak ay isang pagpapala mula sa Diyos; isang ‘mana’ (Awit 127:3) kung kaya’t hindi ka dapat malungkot bagkus matuwa dahil sa kagaya nga ng sinabi ko, ang pagbubuntis ay isang napakagandang biyayang kaloob ng Maykapal kung kaya’t dapat natin itong ikagalak.

Alam rin ng PhilHealth na isa ito sa pinakamaselang bahagi sa buhay ng isang babae na kailangang isaalang-alang sa lahat ng pagkakataon, hindi lamang sa buhay ng isang nagbubuntis, kundi pati na rin sa buhay ng bata sa kaniyang sinapupunan.

At dahil sa ang PhilHealth ay natutuwa sa pagbubuntis mo at ng iba pang kababaihan, isang espesyal na pribilehiyo ang aming ipinagkakaloob upang mapa­ngalagaan ang mga buntis at ang sanggol na nasa inyong sinapupunan.

Mandato rin ng PhilHealth ang pagbibigay ng financial risk protection sa lahat ng mga miyembro nito, lalung-lalo na sa mga nagdadalang-tao, kung kaya’t pinapayuhan ang lahat ng mga buntis na kaagad na magparehistro sa National Health Insu­rance Program o NHIP upang maging eligible at makagamit ng kinakaila­ngang benepisyo mula sa nasabing ahensiya.

At dahil sa kumpirmado na ngang ikaw ay nagdadalang-tao, maaari ka nang magsumite ng Registration Form (PMRF) at anumang katibayan na ikaw ay buntis gaya ng medical certificate mula sa doktor o kumadrona, ultrasound result o kopya ng kanilang admission book at magbayad ng isang taong prima na P2,400 sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth.

Lubos rin akong nababahala sa pagdami ng mga kabataang maagang nabubuntis o ‘yung tinatawag nating teenage pregnancy, kung kaya’t maging ang mga menor-de-edad na nagdadalang-tao ay pinapayuhan ko ring magparehistro bilang primary member upang masigurong may social health insurance ang kanilang magiging anak.

Para naman sa mga buntis na naka-enrol sa programa subalit hindi aktibo ang membership, pinaaalalahanan ko silang mag-update ng kanilang prima upang maka-avail ng benepisyo.

Ang mga paketeng maaari mo namang makamit ay ang Maternity Care Package (MCP) o Normal Spontaneous Delivery (NSD) Package.

Sakop ng MCP ang mga health services habang nasa antenatal period, normal delivery at postpartum period, kasama ang follow up visits sa loob ng 72-oras hanggang isang linggo pagkapanganak. Ito ay nagkakahalaga ng P6,500 kung ia-avail sa ospital, at P8,000 naman kung ia-avail sa mga accredited na lying-in cli­nics, birthing homes, maternity clinics, infirmaries o dispensaries.

Kinakailangan mo rin ang apat na pre-natal visits sa panahon ng iyong pagbubuntis para makagamit ng benepisyo. Ito ay dahil sa binibigyang halaga ng PhilHealth ang maagang pagpapakonsulta at para matukoy ang anumang kumplikasyon at maiwasan ang mas malalang pangyayari o kamatayan. Ang pre-natal component ng Normal Spontaneous Delivery (NSD) pac­kage ay nagkakahalaga ng P1,500.

Limang libong piso naman ang NSD kung sa accredited na ospital ka manganganak at P6,500 naman kung sa lying-in clinics, birthing homes, maternity clinics, infirmaries o dispensaries. Kasama sa NSD Package ang essential health services para sa normal, low-risk vaginal deliveries at post-partum period.

Kung ikaw naman ay manganganak sa pamamagitan ng caesarean section, may pakete rin para rito ang PhilHealth na nagkakahalaga ng P19,000. Mayroon din naman tayong pakete para sa kumplikadong normal na panganganak gaya ng breech extraction sa accredited na ospital.

Ang sanggol naman na iyong isisilang ay makaa-avail ng Newborn Care Package (NCP), kung saan kasama ang Newborn Screening Test, Newborn Hearing Screening Test at Essential Newborn Care. Ito ay nagkakahalaga naman ng PhP 1,750.

Sadyang malaking tulong ang pribilehiyong ito sa mga buntis, at sa kasalukuyan ay wala naman tayong itinakdang limitasyon para dito, kung kaya’t ipinapayo po namin na laging i-update ang inyong hulog nang sa gayon ay masiguro ang availment ng karampatang benepisyo sa oras ng pangangaila­ngan.

Maraming salamat sa iyong pagliham at nawa ay natugunan namin ang iyong katanungan.

***

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po kayong tumawag sa aming Action Center sa 02-441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8am -5pm); mag-email sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay magpost ng inyong komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Lagi po nating tatandaan, sa Alagang PhilHealth, kayo ang Number 1!