Una sa Balita

Alaga ka ng PHILHEALTH: Bakit mahalagang maging miyembro ng PhilHealth ang mga OFWs?

By
0 28

Marami sa ating mga kababa­yan ang nangingibang bayan upang mapaganda ang estado sa buhay gayundin ng kanilang mga pamilya.

Dahil sa hirap ng ­buhay, mas pinipili nilang mawalay sa pamilya para lang may pantustos sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at para sa edukasyon ng kanilang mga anak.

Ngunit, malimit nakakalimutan ng ating mga OFWs na maglaan para sa kanilang kalusugan lalo na sa panahon ng hindi ­inaasahang pagkakasakit.

Lahat tayo, anuman ang estado sa buhay ay maaaring magkasakit, walang exempted ‘ika nga. Kaya kinakailangang maging handa kung sakaling ­dumating ito.

Kung kaya’t napakahalagang magkaroon ng kaseguruhan sa kalusugan upang maging katuwang sa gastusin sa pagpapaospital. Sa napakaliit na halaga, may health insurance na ang buong pamilya, nakatulong ka pa sa iba.

Anu-ano nga ba ang mga pakinabang kung ang isang OFW ay miyembro ng PhilHealth? Pahintulutan ninyo akong isa-isahin ito.

1. Makapag-avail ng benepisyo kung maoospital sa ibang bansa sa pamamagitan ng claim reimbursements. Binibigyan­ ng 180 araw ang miyembro upang maisumite ang mga kinakailangang dokumento sa alinmang tanggapan ng PhilHealth sa buong bansa. (Para sa kumpletong listahan ng mga requirements bumisita sa www.philhealth.gov.ph.)

2. Makagagamit din ng benepisyo para sa hospital confinement at outpatient surgeries kung nandirito sa bansa.

3. Hindi lamang ang OFW member ang makaa-avail ng ­benepisyo. Makagagamit din ang mga kuwalipikadong ­benepisyaryo tulad ng legal na asawa at mga anak na may edad 20 pababa.

4. Panatag ang kalooban dahil segurado ang kalusugan pati na ang buong pamilya.

Hindi mangangamba pa sa gastusin sa pagpapaospital ng kapamilya kahit nasa malayong lugar dahil sagot ng PhilHealth ang bahagi ng gastusin sa pagpapaospital.

5. Kung 60 years old na, maaari nang maging Lifetime Member ng PhilHealth. Hindi na kinakailangan pang magbayad ng premium contribution ngunit patuloy na makagagamit ng benepisyo.

6. Hassle-free ang paggamit ng mga benepisyo ng mga ­kuwalipikadong benepisyaryo kahit nasa ibang bansa ang mismong miyembro.

Dahil sa “My PhilHealth Portal” na ­siyang ginagamit sa mga accredited­ na pasilidad ng PhilHealth, agad na makikita kung eligible ang miyembro na makagamit ng ­benepisyo.

7. Nasa 9,036 na medical at surgical procedures ang binabayaran ng PhilHealth sa ilalim ng case rates. Sakop din ng benepisyo ng PhilHealth ang mga malalalang sakit tulad ng kanser sa ilalim naman ng Z benefit packages.

Bukod pa rito may mga benepisyo at pakete rin para sa malaria, HIV/AIDS, TB, Animal Bite at iba pa.

8. Sa halagang P2,400 kada taon, buong pamilya na ang makaaasa ng tulong mula sa PhilHealth sa panahon ng pagpapaospital. Ang halagang ito ay maituturing na mas mababa kumpara sa aktwal na makakaltas na benepisyo ng PhilHealth mula sa total bill ng ospital.

9. Makatutulong sa ibang mga kababayan na nangangailangan.

Dahil sa panahon na hindi nagagamit ang benepisyo o hindi naoospital, ang inyong premium ay maaa­ring gamitin at makatulong sa ibang mi­yembro na nagkakasakit sa pamamagitan ng pagsa-subsidize sa kanilang gastusin sa ospital.

Gayundin naman, kung kayo na ang gagamit ng benepisyo, tinutulungan din kayo ng iba para naman sa inyong pagkakasakit. Ito ang konsepto ng social health insurance.

Tanggapin na natin ang katotoha­nan na ang halagang P2,400 ay talaga namang maliit at hindi sapat kung tayo ay maoospital.

Ito ay ilan lamang sa mga pakinabang ng pagiging OFW member ng PhilHealth. Ano pa ang hinihintay ninyo? Isiguro na ang kalusugan mo at ng buong pamilya bago pa man ma­ngibang bansa.

Bago ko tapusin ang aking kolum sa araw na ito, nais kong paalalahan ang ating mga OFW members na mag-ingat sa kumakalat na pekeng Official Receipts (OR) para sa pagbabayad ng premium contributions sa PhilHealth.

Umabot sa kaalaman ng PhilHealth na ang mga pekeng resibo ay ginagamit ng mga ibang recruitment agencies para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.

Nais po naming linawin na tanging ang mga Regional at Local Health Insurance Offices (LHIOs) lamang ng PhilHealth ang awtorisadong mag-isyu ng mga OR.

Kaya tinatawagan po namin ang ating mga kababayan lalo na ang ating mga OFW members na agad makipag-ugnayan sa aming mga tanggapan at i-report ang mga ahensya o indibiduwal na gumagawa ng ganitong ilegal na gawain.

Maaari rin po kayong tumawag sa aming Treasury Department sa numero bilang (02) 638-3082 o kaya sa aming Fact Finding Investigation and Enforcement Department sa (02) 637-6460.

Makiisa sa adhikain ng PhilHealth na masugpo ang mga gumagawa ng mga ilegal na gawain tulad nito. Dahil ayaw namin na may isang PhilHealth member na hindi makaa-avail ng benepisyo dahil lamang sa pagsasamantala ng iilan.

***

Para sa karagdagang katanungan hinggil sa paksang ito, maaari po ka­yong tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 (Lunes hanggang Biyernes, 8 a.m.-5 p.m.); mag-e-mail sa actioncenter@philhealth.gov.ph; o kaya naman ay mag-post ng inyong komento sa aming Facebook page sa www.facebook.com/philhealth at sa aming Twitter account sa @teamphilhealth.

Lagi po nating tatandaan, sa Ala­gang PhilHealth, kayo ang No. 1!