Una sa Balita

Alaga ka ng PhilHealth: Ang inyong PhilHealth sa taong 2017

By
0 8

Dalawang linggo na pala ang nakalilipas ng ­iwanan ­natin ang taong 2016.

Talaga nga namang napakabilis ng panahon at ilang linggo na lang ay idaraos na naman ng PhilHealth ang kanyang ­ika-22 anibersaryo.

Marahil, ang iba sa inyo ay nagta­tanong, ano nga ba ang maaasahan namin sa aming PhilHealth ngayong taong 2017?

Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng sulyap sa mga plano at prayoridad ng PhilHealth para sa taong ito na nakasentro higit sa lahat para sa kapakanan ng aming milyun-milyong miyembro.

Una sa lahat, hangarin ng inyong PhilHealth na maipa­ramdam sa lahat ng miyembro nito ang tunay at sapat na ­tulong sa panahon ng pagkakasakit.

Sa pamamagitan ng ­patuloy na pagpapalawak ng mga benepisyo nito, sisiguruhin namin na inyong makakamtam ang dekalidad na serbisyong ­pangkalusugan at ang bawat paggamit ng iyong benepisyo ay ­tunay na makatutugon sa inyong pangangailangang ­medikal.

Batid namin na talagang hindi biro ang magkasakit lalo na kung ito ay nangangailangan ng ­mahaba at magastos na gamutan tulad ng kanser at iba pang malulubhang sakit.

Kaya ­naman, kabilang sa ­plano ng PhilHealth ay maragdagan pa ang mga ­benepisyo sa ilalim ng Z benefit packages at kabilang dito ang pagtaas ng benefit rate para sa Acute Lymphocytic Leukemia (ALL) para sa mga bata mula sa P210,000 hanggang P380,000 (DOH-retained contracted ­hospitals for ALL) at P500,000 (other contracted health care facilities).

Prayoridad din ng PhilHealth ngayong taon ang pagpapa­lakas at pagsasaayos ng kapasidad ng ­aming organisasyon.

Sisi­guruhin namin na ang mga pagba­bago sa loob ng ahensya at pagta­talaga ng mga ­opisyal at empleyado sa iba’t ibang departamento ay naba­batay sa kanilang mga kapasidad at expertise upang tiyak na maisaayos at mapaganda ang aming mga programa at proseso.

Noon lamang taong 2015, ang aming PhilHealth Head Office, Regional Office IV, at Local Health ­Insurance Office Calamba ay mga ISO 9001:2008 certified na.

Dahil sa hangarin na maipakita ang ­kakayahan ng iba naming mga sangay sa patuloy na pagbi­bigay ng dekalidad na serbisyo na tumu­tugon sa pangangai­langan ng publiko, isinagawa na rin ang certification audit sa ­lahat ng mga PhilHealth ­Regional Offices at isang Local Health Insurance ­Office noong 2016 upang mapalawig ang ISO 9001.

Kaakibat ng pagsasaayos ng aming organisasyon ay ang pagpapalakas at pagpapaganda ng aming business processes para sa mas mabilis at agarang serbisyo para sa aming mga stakeholders.

Sa katunayan, noong 2014 ay inumpisahan na ng PhilHealth ang pagpapatupad ng Health Care ­Institution Portal o mas kilala na sa tawag na ’My PhilHealth Portal’ kung saan agad na ­biniberipika ang eligibility status ng isang miyembro para sa ­agarang pag-a-avail ng benepisyo.

Sinundan din ito ng pagpapalabas ng polisiya para sa pagpapatupad ng ­e-claims system. Ito ay ang online submission ng mga claim documents ng mga accredited hospitals sa PhilHealth para sa mas pina­bilis na pagproseso ng mga nasabing dokumento at pagba­bayad sa mga ito.

Malaking bahagi sa pagpapatupad ng programa at patuloy na pagsasaayos ng sistema ng PhilHealth ay ang pangangalaga sa inyong pondo.

Kaya naman ang inyong PhilHealth ay patuloy na naghahanap ng mga pamamaraan upang maprotektahan at mapanatili ang pondo para sa inyong ‘di inaasahang pagkakasakit.

Isa sa mga paraang ito ay ang patuloy na pag-aaral sa mga kasalukuyang umiiral na mga polisiya ng PhilHealth at tukuyin ang mga alituntuning dapat suriin para sa mahusay na pagpapatupad ng aming mga benepisyo. Paiigtingin din ng inyong PhilHealth ang kampanya nito laban sa fraud sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa mga kahinahinalang claim documents.

Ang aking mga naihayag at nabanggit ay ilan ­lamang sa mga plano at prayoridad ng PhilHealth na inyong maaasahan ngayong 2017.

Kami po sa PhilHealth, ay lubos na ­nagagalak dahil alam namin na ang mga prayoridad na ito ay maisasakatuparan dahil sa suportang aming nata­tanggap mula sa inyo at sa ating pamahalaan.

Isa nga sa malinaw na halimbawa nito ay pagbibigay ng dagdag pondo para sa PhilHealth coverage ng mga natitirang mga Filipino na hindi pa miyembro ng PhilHealth.

Dahil dito, wala ng Filipino ang magda­dalawang isip pa na pumunta sa ospital para magpagamot at magkamit ng dekalidad na serbisyong pang­kalusugan.

Nakatutuwang isipin na ang dati-rating isang ­pangarap na Universal Health Coverage ay abot ­kamay na natin ngayon.

Siya nga po pala, nais ko pong ­paalalahanan ang ating mga tagasubaybay at lahat ng mga ­PhilHealth members na ugaliing i-update ang inyong record lalo na kung may mga mahahalagang ­impormasyon na kailangan ninyong i-update tulad ng civil ­status, ­tirahan at dagdag na mga dependents.

At para ­naman sa ating mga voluntary o self-paying ­members, ­huwag kalimutang magbayad ng inyong prima upang ­hindi magkaaberya sa pag-a-avail ng ­inyong ­benepisyo. Maaari itong bayaran ng monthly, ­quarterly, semi-annually, o annually.

Panatilihin natin ang magandang estado ng ating kalusugan. Laging tatandaan, alaga kayo ng ­PhilHealth!

***

Kung may nais kayong itanong tungkol sa ­aming mga programa at serbisyo, mag-e-mail lamang sa ­actioncenter@philhealth.gov.ph o tumawag sa ­aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442.

Bisitahin din ang aming official social media ­accounts: www.facebook.com/PhilHealth at ang www.twitter.com/teamphilhealth.