Una sa Balita

ALAB: Usapang ‘Slam’ pa rin

By
0 3

Bago pa man mag-umpisa ngayon ang PBA Commissioner’s Cup ay Grand Slam na ng San Miguel Beer ang pinag-uusapan.

Masyadong maaga pang talakayin ang paksa pero hindi maiwasan dahil sa ipinakitang gilas ng SMB sa katatapos na Philippine Cup.

Sa panalong 4-1 ng SMB laban sa Barangay Ginebra San Miguel sa naturang best-of-seven Finals, tila nakaumang ang pang-Slam na takada ng Beermen sa susunod na 2 Conferences.

May tsansa siyempre, pero tila maaga pang mas­yado ang puntiryahin ang “Slam?”

Bagamat hindi maikakailang pinakamalakas sa PBA ngayon ang Starting Five ng SMB, ang huling 2 Conferences ay kapapalooban ng imports.

Alam naman natin na ang import ang siyang pinakasusi sa tagumpay sa anumang Conference na may kasahog na import.

Katunayan, halos 70 porsiyento ang timbang ng import pagdating sa pang­kalahatang lakas ng bawat koponan.

Si Charles Rhodes, ang 6-foot-8 import ng SMB, ay kilabot umano sa pagsupal. Siya ang No. 2 sa all-time shot-blocker sa Korean Basketball League.

Pag nagkataon, malaking tulong siya kay 6-foot-10 June Mar Fajardo.  Sa supal power ni Rhodes, malaking bawas kay Fajardo ang trabaho sa depensa.

Iskorer din wari si Rhodes, na may 23.8 puntos kada laro.

Pero ang datos, kung minsan walang silbi pag totohanang bakbakan na.

Lagi’t lagi na ang realidad ang pinakamatibay na basehan ng kagalingan.