Una sa Balita

ALAB: Tapales ala Pacquiao?

By ,
0 1

Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo?

Bagay wari ang kasabihang iyan kay Marlon Tapales.

Panalo siya pero talo pa rin sa bandang huli.

Abante Hiring – IT dep

Di kasi, oberweyt siya nang patulugin niya si Shohei Omori ng Japan noong Linggo.

Lagpas 118 lb si ­Tapales sa timbangan at hinablot sa kanya ang ­korona sa WBO world bantamweight division.

Ang siste, kailangang talunin pa rin ni Omori si Tapales para maagaw ang titulo.

Muntik na siyang magwagi nang paduguin niya ang kanang kilay ni Tapales sa 4th round.

Pero nanibasib si Tapales at sa 7th round, pinadugo rin niya ang kanang talukap ng mata ng ­kaliweteng Hapon.

At sa 10th round, binubugbog ni Tapales si Omori nang ma-save-by-the-bell ang Hapon.

Nakaamoy ng dugo, kinabug nang kinabog ni Tapales ang Hapon at sa ika-16 segundo lamang ng 11th, itinigil ng reperi ang pangungulata at ­idenaklarang panalo si Tapales by TKO.

Ang premyo ni Tapales?

Wala kundi ang tanging pampalubag-loob na bakante ang WBO world bantamweight division.

Magaya kaya ni Tapales si Manny Pacquiao?

Tsamp din noon si Pacquiao nang mawala ang kanyang korona dahil siya’y oberweyt.

Kaya lang, tulog ang oberweyt na Pacquiao noon sa gabi ng laban sa Thailand.

Hindi nagtagal, naging 8-division world champ si Pacquiao.  Ngayon, may 11 world ­titles si ­PacMan.

Kayanin kayang tularan iyan ni Tapales?