Una sa Balita

ALAB: Ramirez kahanga-hanga

By
0 3

Normal nang kalakaran na ang isang boss ay may sariling mundo.

Hindi siya nagpapaapekto sa mga nakapaligid sa kanya.

Ang mga tauhan niya’y tila mga robot lamang:  Gumagalaw pero hindi niya napapansin.  O pinapansin

Pero ibahin si Butch Ramirez, ang hepe ng Philippine Sports Commission.

Nang mapasabak sa sigalot si Ramon Fernandez, agad siyang umayuda.

Kumbaga sa Ilonggo, sinabi ni Butch:  “Suportahan ta ka.”

Patungkol iyan kay Ramon Fernandez, isa sa 4 na komisyoner ni Butch sa PSC.

Plano kasing sampahan ni Don Ramon ng libel si Peping Cojuangco, pangulo ng Philippine Olympic Committee.

Ito’y bunsod ng akusasyon ni Peping na umano’y “game fixer” noong PBA player pa si Fernandez.

“Kapag hindi niya binawi ang kanyang sinabi, humingi ng paumanhin at nagresayn bilang hepe ng POC, itutuloy ko ang kaso,” sabi ni Fernandez.

Grabe ang akusasyon ni Peping, na kanyang binitawan matapos ibulgar ni Fernandez ang umano’y hindi paglikwideyt ni Cojuangco ng pondong hindi kukulangin sa P39 milyon galing sa PSC.

Matindi ang mga kundisyon ni Fernandez.  Pero ang pinakamalupit ay ang pangatlo:  Magresayn si Peping bilang boss-tsip ng POC.

Hindi gagawin ni Peping iyan kaya’t magkakasubukan ang dalawa sa korte.  Sa suporta ni Ramirez, matibay ang laban ni Fernandez.

Umaatikabong bakbakan ito pag nagkataon.