Una sa Balita

ALAB: Rain or Shine naman ngayon

By
0 3

Ngayon naman ay sa Rain or Shine nakatutok lahat.

Di kasi, dumidepensang tsamp ang RoS sa PBA Commissioner’s Cup na mag-uumpisa sa Biyernes, Marso 17.

Nakaraos na ang San Miguel Beer. Matagumpay nitong naidepensa ang PBA Philippine Cup nang igupo nito ang Barangay Ginebra San Miguel sa iskor na 4-1.

Wari’y hindi masyadong nahirapan ang San Miguel Beer. Sa semifinals lang namiligro ang Beermen laban sa TNT.

Pero sa Game 7, wala ang napilay sa Game 6 na si Jason Castro—dahilan para madaling naitakas ng SMB ang tiket papuntang Finals.

Kakaiba ang pagiging tsamp ng Rain or Shine noong 2016.

Kasi, nanalo ang Elasto Painters bagamat hindi kumamada ng bulto-bultong puntos ang kanilang import na si Henderson-Niles.

Ang nakakatuwa rito ay sinadya ni coach Yeng Guiao na kunin ang hindi palasiyut na import. Rebound at depensa ang binigyang-halaga ni Guiao.

Sa kanyang tagumpay, pinatunayan ni Guiao na ang hindi palasunod sa nakagisnang asal ay kaya ring magmilagro.

Pero ang siste’y nasa NLEX na si Guiao. At tingnan: Makakaharap niya mismo ang Rain or Shine sa Biyernes.

Nasa balikat ngayon ni coach Caloy Garcia, assistant dati ni Guiao, ang kinabukasan ng Rain or Shine.

Kung minsan, madaling maging tsamp. Pero madalas, mas mahirap ang maidepensa ang korona. Gudlak, RoS.