Una sa Balita

ALAB: Pagara talo sa abugado 

By
0 132

Maraming leksiyong napulot sa pagkatalo kahapon ni Albert Pagara sa San Mateo, California.
Una na’y salat siya sa depensa’t istratehiya.

Tulog si Pagara sa 8th round at si Cesar Juarez ng Mehiko ang bagong WBO intercontinental jr. featherweight champ.

Bagama’t higa agad si Juarez sa first round, nagkulang si Pagara ng follow-up.

Ekperiyens ang pinagana ni Juarez. Si Pagara, bagama’t 26-0 at may 18 knockouts, ay mistulang naging bagito.

Tumumba rin ng 2 beses noon sa 4th round si Juarez laban kay Nonito Donaire.  Pero nakaligtas ito sa knockout at yumukod sa desisyon.

Laban kay Pagara, sinisiw ni Juarez ang first-round knockdown at bagkus, nanibasib siyang ala toro mula second round.

Halos hindi makadepensa si Pagara sa mga ulan ng suntok ni Juarez. Nagpapabugbog pa madalas.

Sa walang patumanggang pangungulata ni Juarez, unti-unting naupos si Pagara.  Malakas sumuntok si Pagara pero kulang na kulang sa depensa. Ni hindi marunong yumakap kapag nakokorner.

Lamog si Pagara pagkatapos ng 7th round. At sa ika-15 segundo ng 8th round, bulagta si Pagara sa kumbinasyong kidlat ni Juarez.

Matindi ang istratehiya ni Juarez dahil abugado pala siya.  Magaling lumusot kapag binibitag ni Pagara.

Unang talo ito ni Pagara at tama si Donaire: Magiging world champ pa rin si Pagara kung ito’y matututo sa kanyang kabyos kahapon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy