Una sa Balita

ALAB: Pacquiao papurihan

By
0 2

Bakit may kumokontra sa pagtatatag ng Philippine Boxing Commission (PBC) mula sa panukalang batas ni Senator Manny Pacquiao?

Bilang boksingero — at lubhang matagumpay sa nahakot na niyang bilyones — alam ni Pacquiao ang kahalagahan ng isang Komisyon na tutugon sa ­pangangailangan ng mga kababayan natin na sa ­kamao ang ikinabubuhay.

Isa sa mga mahigpit na bumabatikos ay si Pareng Frank Drilon (oo, kumpare ko siya dahil nagkasama kaming ninong kamakailan sa kasal ng anak [Dra. Madel] ni Pareng Marvin at Mareng Pia Velayo).

Punto ni Sen. Drilon ay sapat na raw ang Games and Amusements Board (GAB) para pangalagaan ang interes ng ating mga boksingero.

Pero tila lihis si Pareng Frank.

Sa tinagal ng panahon, wala pa akong narinig na boksingerong pumuri sa GAB.  Wala rin akong narinig na maipagmamalaking nagawa ang GAB para sa kapakanan ng boksingero.

Bagkus, puro hinaing at daing laban sa GAB ang aking naririnig mula sa mga boksingero.

Kayat sa tingin ko, ang Komisyon ni Pacquiao ang sagot sa hinagpis ng ating mga boksingero.

Panahon na para magkaroon ng tunay na kasangga ng mga boksingerong hindi pinalad tulad ni Pacquiao.

Sana’y mamulat agad si Pareng Frank at suportahan na niya ang PBC.

Saludo kay Pacquiao. Hindi niya maatim ang patuloy na pagdurusa ng mga kabaro niya.