Una sa Balita

ALAB: Mary Joy ipagbunyi

By
0 153

Mabuti naman at okey na ang pagsali ni Mary Joy Tabal sa Rio Olympics.  Iyan ay resulta ng malinis na pag-iisip ni Popoy Juico.

Baka kung ibang tao, bulilyaso si Mary Joy. At Pilipinas na rin.

Pero ibahin si Popoy, pangulo ng Philippine Ama­teur Track & Field Association (Patafa): Mas inisip niya ang kabuuan kaysa ang bunganga ng balon sa pananaw ng isang palaka.

Sa sariling sikap, si Mary Joy ay nakapasa sa O­lympic marathon nang malagpasan niya ang qualifying time na 2:45.

Tumawid sa 2:43.29 clocking si Mary Joy sa Ottawa Marathon, Canada, kamakailan pero nanganib ang kanyang pagsisikap dahil hindi na siya miyembro ng Patafa.

Tumiwalag siya dahil hindi niya gusto ang treyning ng coach. Binansagan siyang walang disiplina at pasaway.

Pero sa iba, kahanga-hanga si Mary Joy dahil sa kanyang sariling diskarte, siya’y nakapasa para sa Rio Olympics sa Agosto.

Marahil, pareho kami ng pananaw ni Popoy kayat balik-Patafa muli si Mary Joy:  Ang sinumang atleta, kung sa tingin niya’y di akma sa kanya ang treyning ng kanyang coach, ay payagang kumalas at magsarili na lamang.

Ang maganda kay Mary Joy, wala siyang inabala ni isang opisyal nang siya’y nagtreyning.

Kayat imbes na batikusin, ipinagbubunyi ang mga tulad niya.

Tunay siyang atleta dahil may determinasyon, lakas ng loob at, higit sa lahat, prinsipyo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy